Naiyak na lang ang isang 14-anyos na lalaki sa Maynila matapos siyang palibutan ng grupo ng mga kabataan at holdapin gamit ang isang patalim.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, makikita sa CCTV camera ang pag-akbay muna ng isa sa mga kabataang suspek sa biktimang may bisikleta sa Barangay 306 sa Quiapo, Manila.
Maya-maya pa, pinalibutan na siya ng iba pang kabataan na tila kinakausap lang pero hinoholdap na pala.
Isang tindera ang nakapansin sa mga kabataan na siyang sinaway. Pero nakuha rin nila ang P600 na pera ng biktima.
Nagsumbong ang tindera sa barangay kaya nasakote ang grupo ng mga kabataan na nakuhanan ng isang patalim, at ang P600 ng biktima.
Ipinatawag din ang mga magulang ng mga kabataang nasangkot sa insidente.
Isasailalim umano sa community service ang mga kabataang nangholdap. --FRJ, GMA Integrated News