Isa sa mga sikat na obra ng pinakaunang Pambansang Alagad ng Sining o National Artist para sa Eskultura na si Guillermo Tolentino ang Andres Bonifacio Monument na makikita sa Caloocan City. Ang eskultor, isa rin umanong espiritista na nagawang makaugnayan ang kaluluwa ni Bonifacio kaya niya nalikha ang mga obra ng bayani.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinampok ang isa pang obra ni Tolentino tungkol kay Bonifacio, ang isang makatotohanan o life-like bust sculpture ng "Ama ng Katipunan," na kasama sa mga ipasusubasta ng Leon Gallery.
May starting price ito na P400,000, na nagmula sa koleksiyon ng historian na si Ambeth Ocampo.
Ang bust ni Bonifacio ay may taas na 29 pulgada at lapad na 12 pulgada, at mula sa katulad na materyales ni Tolentino noong ukitin niya ang Bonifacio Monument sa Caloocan.
Tampok sa bust ni Bonifacio ang nakakunot nitong noo, at matalim na tingin.
"A lot of historians would say na weakness maging short-tempered o galit. But I think there are some times na kailangan magalit ka na talaga. And he was galit at the way tinatrato ang mga Pilipino," ayon kay Lisa Guerrero-Nakpil, curator ng Leon Gallery, patungkol sa hitsura ng obra.
Sinasabing nabuo ni Tolentino ang makatotohanang mga obra dahil nakakaugnayan umano ng eskultor--na isa ring umanong espiritista-- ang kaluluwa ni Bonifacio sa pamamagitan ng panaginip.
"According to the widow of Tolentino, espiritista si Tolentino, nag-i-spirit of the glass siya. Dumadalaw si Bonifacio sa mga panaginip ni Tolentino. Kaya that monument and this bust is completely life-like," sabi ni Guerrero-Nakpil.
Humingi naman ng paglilinaw si Soho tungkol sa sinasabi ng ilan na iba ang paglalarawan sa mga obra o art kumpara sa totoong personalidad ni Bonifacio.
Sa mga rebulto ni Bonifacio, inilalarawan ang bayani na may hawak na itak, nakatiklop ang pantalon, at nakatupi ang damit. Ngunit hindi umano ito ang tunay na porma o pananamit ni Bonifiacio noong nabubuhay pa.
"Totoo rin 'yon, but city boy kasi siya. So apart from the itak may revolver siya. But I can imagine, dahil ang revolution nag-start ng August na super, siguro natanggal na super bombed up, siguro natanggal na ang mga botas, na roll up na 'yung trousers niya. I think that's what Tolentino saw," paliwanag ni Guerrero-Nakpil.
Taong 2018 nang ipasubasta ng Leon Gallery ang mga sulat-kamay ni Bonifacio sa kaniyang tagapayo na si Emilio Jacinto ilang linggo bago siya dakpin at pinatay. Kasama ang dokumento na nagtatalaga kay Jacinto bilang opisyal ng KKK na may selyo ng Katipunan, na nabili ng mahigit P5.6 milyon.
Sa kauna-unahang pagkakataon, masisilayan ng publiko ang twin seal na nakatatak sa naibentang dokumento ni Bonifacio.
Makikita sa naturang selyo ang mga salitang "Mataas na Sanggunian," at "Katipunan ng mga Anak ng Bayan." Mayroon itong baybayin sa gitna na "KA" na nangangahulugang katipunan, kalayaan at kapayapaan.
Posibleng ito na ang pinakahuling selyo ng KKK o ng Katipunan, na naitabi ni Julio Nakpil, ninuno ni Guerrero-Nakpil. May starting price ito na P1.6 milyon.
Samantala, ang kabiyak naman na selyo, ayon kay Guerrero-Nakpil, ay nawala kasama ni Bonifacio nang paslangin sa Maragondon, Cavite.
Tunghayan sa KMJS ang ilan pa sa mga gamit na may kaugnayan sa mga bayani, gaya ng obra ni Jose Rizal na "Josephine Sleeping" na itinuturing pinaka-Mona Lisa ng Pilipinas at ngayon lang din masisilayan ng publiko. Panoorin ang buong kuwento.-- FRJ, GMA Integrated News