Kamuntik nang masunog nang buhay ang isang lalaking pasyente sa India na inakalang patay pero biglang dumilat bago siya tuluyang maisalang sa apoy para i-cremate.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing dinala sa isang ospital sa Jhunjhunu, Rajasthan, ang lalaki dahil sa kaniyang malubhang sakit.

Matapos mabigyan ng mga gamot, idineklara siya ng mga doktor na binawian ng buhay makalipas ng ilang oras.

Inilagay ang kaniyang mga labi sa morgue ng ilang oras at kinalaunan ay dinala sa crematorium para i-cremate bilang bahagi ng kanilang relihiyon.

Ngunit bago mailagay sa apoy upang sunugin, biglang dumilat ang lalaki dahil buhay pa pala. Kaya muli siyang ibinalik sa ospital.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, hindi nagsagawa ng pagsusuri o post-mortem ang mga duktor para kumpirmahin kung talagang patay na ang pasyente na si Rohitash, 45-anyos,

"The doctors were supposed to do a post-mortem examination but they did not do anything. They just fulfilled the paper formalities," sabi ni Sharad Chouodhary,  Jhunjhunu Police Superintendent.

Walang kasamang kamag-anak si Rohitash na isang ulila at nakatira sa shelter. Isa rin siyang mute and deaf kaya hindi siya nakausap ng mga duktor nang dalhin sa ospital.

Nang ibalik si Rohitash sa ospital, inilagay siya sa ICU pero tuluyan ding namatay pagkaraan ng ilang oras.

Dahil sa kapabayaan, sinuspinde ang principal medical office at tatlong duktor sa ospital.

Wala pa silang pahayag, maging ang pamunuan ng ospital kaugnay sa nangyari.— FRJ, GMA Integrated News