Matapang na ikinuwento ng isang lalaki kung paanong humantong sa kapabayaan sa kaniyang pamilya ang kaniyang pagka-adik sa online sugal, at kung paano niya ito ngayon nilalampasan at patuloy na binabago ang kaniyang sarili.

Sa “Kara Docs” ni Kara David, ikinuwento ng filmmaker na si Ray G. na namulat siya sa pagsusugal sa murang edad.

“Ang lola ko before, before nung matanda na siya, everyday yan. May session siya sa mga amiga niya, naglalaro sila ng cards. So parang okay lang, normal lang sa akin 'yung sugal. Parang na-expose ako roon. Pero may mga usapan na family kasi kami ng gamblers,” sabi ni Ray.

Ayon sa kaniya, mas nauna pa siyang nakapasok sa sabungan kaysa paaralan.

“Bumalik 'yung pakiramdam na 'yun ng bata ako. Una akong pumasok. Actually, napaka-vivid ng memory ko when it comes to that. That's why na siguro tumatak siya sa isip ko. Tumatak sa akin 'yung  exposure sa sugal na gano'n,” sabi niya.

Ang inakala niya noong mga simpleng larong pambata lamang, humantong sa kaniyang pagkahumaling sa online sugal noong 2008, nang manalo ng hanggang P18,000 ang itinaya niyang P500.

“Sabi ko, ‘Hindi kaya puwede ko gawing hanapbuhay ang sugal? Ito lang, specific time lang. Ito lang 'yung pera ‘pag nanalo ako. Gusto kong isistema na gawing kong hanapbuhay ang pagsusugal.’ ‘Yun 'yung mga kalokohan, mga stupid ideas na meron ako nu’n,” sabi niya.

Kontrolado pa ni Ray noong una ang sugal, hanggang sa hindi niya napapansing naaadik na rin pala siya.

“Malaki na. Hanggang sa 'yung  pera na para sa pamilya ko, na nakukuha ko na until such time na after ilang years na, nagkakaroon na ako ng maraming utang. Nagsasangla na ako, nagnanakaw na ako. Kasi I was I was so addicted sa pagsugal na kailangan ko magsugal everyday,” kuwento niya.

“Hindi na 'yung  panalo 'yung hinahabol ko. Dumating na ako du’n sa time na hinahabol ko na 'yung  talo ko. Chasing losses na ako. Nahimasmasan ako kasi mga ilang araw, mga three to four days na yata ako na walang tulog, hindi kumakain, kape, yosi lang, para lang, magsusugal lang ako. Naubos 'yung oras ko, ganu'n naka-insane.”

Inamin ni Ray na malaki ang problemang naidulot sa kaniyang pamilya ng ng kaniyang online gambling addiction.

“That's why ang misis ko, namomroblema lagi to make ends meet. Ako wala akong pakialam eh. Sa akin kasi 'yung [paniwala] ko rati, ‘Hindi, kailangan mong ibigay sa akin 'yung amount na ito. Nagtatrabaho naman ako eh. Pera ko yan eh.’ Ganu'n ka-selfish 'yung  pag-iisip ng isang addict na katulad ko sa gambling.”

“So naapektoan na, napapahiya na 'yung mga magulang ko, kasi kahit kanino meron akong utang,” dagdag ni Ray.

Umabot na sa puntong nakaligtaan na niya ang kaniyang sariling pamilya, nang ang perang gagamitin sana sa pagpapagamot ng kaniyang anak ay naitaya na rin niya.

“One time, ang anak ko naospital, kailangan niya mag-undergo ng surgery, appendicitis. Palabas na siya ng hospital noon. Hawak ko na 'yung  pera. Walking distance, nakadaan ako doon sa isang bingguhan, online bingo. ‘Yung hawak kong pera na supposedly pambayad sa kaniya sa hospital kasi next day lalabas na siya. Naubos ko that night.”

“Nawala sa akin 'yun, mga kaibigan, mga kapamilya. Sabihin nila, ‘Andito na naman si Ray, uutangan ako niyan.’ Napakahirap nu’n tanggapin sa isang pamilya,” sabi ni Ray.

Inamin ni Ray na wala siyang panalo sa sugal ngunit hirap siyang takasan ang nakasanayan.

“Cycle, paulit-ulit. ‘Pag nabayaran ko na naman 'yung  utang, ito na naman, ang lakas na naman ng loob ko. Alam ko naman, wala namang mananalo eh sa sugal. Matatalo naman ako pero inuulit ko pa rin. Expecting na, ‘Hindi na baka sakali manalo ako today.’ Pero na-trap na pala ako sa cycle na 'yun.”

Hanggang sa isang madaling araw, sinabi niya tungkol sa kaniyang adiksyon na “pagod na ako.”

Dito nagpasiya si Ray na boluntaryong ipasok ang sarili sa isang rehabilitation center.

“Yun 'yung  way ng Panginoon ko na ibalik sa akin 'yung  pagkatao ko, 'yung humanity ko. Kailangan ko maging humble ulit. Kailangan ko basagin 'yung  dati kong alam na kaya ko lahat. Hindi, wala akong kakayanan. That's why nasa recovery ako ngayon. Kasi hindi ko kaya 'yung  addiction ko. So mas attitude of gratitude, 'yun siguro. Gratitude. Grateful lang ako lagi,” anang padre de pamilya.

Naglalaan din si Ray ng tamang disiplina bawat araw para hindi bumalik sa adiksyon, at dumadalo ng mga meeting ng mga support groups kada araw.

Nakatapos na ni Ray ng programa sa rehabilitation center, pero bumibisita pa rin siya roon dahil nagsilbi itong kaniyang pangalawang tahanan.

“Lifestyle na rin 'yun eh, 'yung  recovery. 'Yun 'yung  pinanghahawakan ko ngayon. Kung kaya ko noon ng lifestyle ng paano ko trinabaho 'yung addiction ko, dapat ganu'n din ako magtrabaho sa recovery ko ngayon. Kung gano'n ako kabaliw noon sa ano ko, dapat sa recovery ko ngayon, dapat ganu'n din 'yung  mindset ko. Pero, it doesn't stop there. Hindi nagtatapos 'yun sa addiction ko. May recovery, may pag-asa. Meron. Pero mahirap. Pero kailangan kong trabahuhin.”

Patuloy si Ray sa pagre-recover at inilalaan niya ang kaniyang oras sa paggawa ng sining sa pamamagitan ng pagdidesenyo ng inspirational shirts at pagpipinta. Parte ng kaniyang kinikita ang inilalaan niya sa mga nasa rehabilitation center. —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News