Kahit nawalan ng trabaho, walang pagsisisi ang 26-anyos na dating staff sa isang gotohan sa ginawa niyang pagpapakain sa aso na nakita niya sa labas ng kaniyang pinapasukan. Tanggapin naman kaya niya ang mga bagong alok na trabaho sa kaniya?
Sa programang Good News, ikinuwento ni Vhal Sardia, na bata pa lang ay sadyang mahilig na siyang mag-alaga at magpakain ng mga aso at pusa.
Katunayan, isang asong-gala na nakita niya sa gitna ng kalye habang umuulan at may galis ang kaniyang kinupkop at ipinagamot.
Ang mga pusa sa labas ng kanilang bahay, binibigyan din niya ng pagkain.
Kaya nang makita niya ang isang aso na nakatambay sa labas ng kaniyang pinagtatrabahuhan, binigyan niya rin ito ng pagkain.
"That time on duty ako. Pero nagpaalam ako na bibigyan ko siya [aso] ng pagkain," ayon kay Vhal. "Once ko lang ginawa na naka-uniform po ako. Yung food, nanggaling mismo sa store namin, yung tirang pagkain ng staff."
Pero ang aso, napag-alaman niya kinalaunan na may-ari at hindi asong-gala o kalye.
Pagkalipas ng isang araw, ipinatawag si Vhal ng kaniyang agency at pinagpapaliwanag umano tungkol sa pagpapakain niya sa aso.
Ayon kay Vhal, binigyan siya ng papel sa opisina na pinapipirmahan sa kaniya na nagsasaad na inaalis na siya sa kompanya. Pero hindi raw siya pumayag na pirmahan ang papel.
Ang naging rason umano sa pag-alis sa kaniya sa trabaho ay dahil sa sanitation concern at disrespect.
Ayon kay Vhal,walang ibinigay sa kaniyang warning na bawal magpakain ng hayop sa labas ng kanilang store.
Maraming netizens ang nagpaabot ng simpatiya kay Vhal at may mga nag-alok din sa kaniya ng bagong trabaho.
Pero hindi pa makapagdesisyon si Vhal kung tatanggapin ang mga alok na trabaho dahil umano sa naranasan niyang trauma.
Sa inilabas na pahayag ng may-ari ng kainan, inihayag nito na ikinalungkot nila ang insidente at ire-review umano nila ang naging aksiyon kay Vhal.
Naglabas din ng pahayag ang agency ni Vhal at sinabihang inalok nila ito na ilipat sa ibang restaurant.
Ngunit tumanggi raw si Vhal at kusa nang nagbitiw sa tabaho.
Natanggal man sa trabaho, hindi raw nagsisisi si Vhal sa ginawa niyang pagpapakasin sa aso.
"Hindi po turing ko sa kanila is aso lang, ang turing ko sa kanila isa pamilya po," ani Vhal.
Ano nga ba ang sinasabi sa batas tungkol sa naging sitwasyon ni Vhal? May pagkakamali ba siyang nagawa o ang kaniyang pinapasukan? Panoorin ang paliwang ng isang abogado. --FRJ, GMA Integrated News