Laking gulat ng isang tindera sa Masbate City na magbabanyo nang mapansin niyang hindi bumababa ang tubig nang buhusan niya ito. At nang kaniyang suriin, nakita niya na may lumabas na dila na mula pala sa ulo ng sawa.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng tinderang si Mary Ann, na ipinagtaka niya nang hindi bumaba ang tubig na ibinuhos niya sa inidoro.

Kaya kinuha niya ang panlinis na brush para alamin kung ano ang nakaharang sa inidoro. Habang sa mapansin niya na may tila dila na lumitaw, hanggang sa lumitaw na ang buong ulo ng ahas.

Kaagad na nagtungo si Mary Ann sa barangay hall para magpatulong. Rumesponde naman ang isang barangay kagawad at isang traffic enforcer.

Nang maipit na nila ang ulo ng sawa, sinimulan na nila itong pagtulungang hatakin. Gayuman, hindi kaagad sumuko ang sawa.

Inabot pa ng mahigit dalawang oras bago tuluyang bumigay ang sawa at kanilang nahatak.

Nagulat ang mga tao nang makita ang haba ng sawa na umaabot ng 2.5 metro o mahigit walong talampakan.

Pero paano kaya nagkaroon ng sawa sa inidoro ng tindahan at ano ang sinapit ng sawa? Tunghayan sa video ang buong kuwento.--FRJ, GMA Integrated News