Walang tigil ang tunog ng metal detector na hawak ng airport security sa Hanoi, Vietnam nang itapat ito sa harapan ng pantalon ng isang lalaking pasahero. Nang inspeksyunin ang kaniyang katawan, tumambad ang ilang piraso ng gold bars na hinati ang iba.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nangyari ang insidente sa Noi Bai International Airport sa Hanoi, at galing sa Hong Kong ang pasahero na maliit na bag lang ang bitbit.
Pero nang itapat ng security personnel ang metal detector sa harapan ng kaniyang pantalon, tumunog ito kahit walang nakikitang metal na bagay sa kaniyang katawan.
Kaya dinala ang pasahero sa opisina at doon na nakita ang ilang piraso ng gold bars na hinati ang iba.
Bukod sa mga bara ng ginto na nakatago sa talampakan ng sapatos, ilang piraso rin ng hinating bara ng ginto ang nakitang nakatago sa maliit na belt bag na kakulay ng brief ng pasahero.
Umabot sa tatlong kilo ang kabuuang bigat ng mga bara ng ginto na may halagang $250,000 o katumbas ng P14 milyon.
Ibinigay ng Hanaoi Customs sa kapulisan ang pangangalaga sa pasahero at mga nakumpiskang ginto.
Batay sa batas ng Vietnam, dapat ideklara ng mga pumapasok sa kanilag bansa ang ginto na higit 300 grams ang bigat.-- FRJ, GMA Integrated News