Kumaripas ng takbo ang dalawang kawatan na manloloob sana sa mga bahay sa Calasiao, Pangasinan nang lumabas ang babaeng nakatira na may hawak na itak. Ang babae, aminadong hindi niya alam na dalawa pala ang kawatan.
Sa ulat ni Jeric Pasilliao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, nahuli-cam ang dalawang kawatan na sakay ng dalawang motorsiklo na ipinarada nila sa gilid ng daan sa Barangay Quesban noong madaling araw ng Oktubre 2.
Maya-maya lang, naglakad na ang mga kawatan papunta sa bahay na kanilang pupuntiryahin.
Napansin din na may hawak nang jacket ang isa sa kanila.
Pero hindi nagtagal, makikita nang kumakaripas na nang takbo ang dalawa at sumakay sa kanilang mga motorsiklo ang sumibat.
Ang dahilan, isang babae pala ang nagising at lumabas ito na armado ng itak para habulin ang mga kawatan.
May nakuha umanong damit at tsinelas ang mga kawatan sa kabilang bahay.
"Nakita namin sa CCTV hinabol ko, may dala akong itak. Akala ko isa lang na magnanakaw, yun pala dalawa," kuwento ni Rosalinda Aficial.
"Pagtingin ko, unang pumasok dun sa kabilang bahay, at kinuha nila mga short at damit, tapos pagdating dito tsinelas nila dito sa kabila," patuloy niya.
Sabi pa ni Aficial, napansin niya na may nagbubukas ng kanilang bintana at may sumilip na nakamaskara.
Dito na niya kinuha ang itak habang tumakbo ang kawatan na dala ang jacket.
Tiwala si Aficial na hindi na babalik ang mga kawatan dahil sa takot.
Ayon sa opisyal ng barangay, dayuhan sa kanilang lugar ang kawatan, at paiigtingin nila ang pagbabantay.
Hindi na rin inireport ng homeowners sa pulisya ang insidente.
"Kung ano man ang makikita nila, tsinelas, damit kukunin nila. Dayo, hindi namin ma-identify kung sino yung tao na iyon," sabi ni Barangay Captain Raymound Aguilar. —FRJ, GMA Integrated News