Nilinaw ng Vivamax stars na sina Robb Guinto at Azi Acosta ang mga misconception o maling paniniwala sa kanilang pagiging “sexy" actress.

Sa episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Huwebes, ikinuwento ng dalawa ang dahilan kung bakit sila napasok sa paggawa ng sexy movies.

“Siguro sa akin sa family. Kasi ‘yon po iyong way ko para kumita ng pera. Since I joined din naman sa mga magazines, so sabi ko why not hindi pa dito sa mas malaking pangalan. Bakit hindi pa sa Viva?” paliwanag niya.

Si Azi, sinabing plano niyang magsimula sa paggawa ng wholesome films dahil kaka-18 lang niya nang pasukin ang showbiz, at saka lang siya sasabak sa pagpapa-sexy.

“Tapos sinabihan ako na, 'Kung gagawin mo rin naman, why not ngayon? Bata ka pa,’” kuwento niya.

Tutol din umano ang ina niya noon na gumawa ng Vivamax films dahil sa bata pa siya. Ngayon, nakadalawang taon na siya sa Viva.

Sinabi rin ng dalawa na hindi tama na isipin na flirt o may kalandian ang mga nagpapa-sexy sa pelikula.

“Hindi po totoo. Hindi naman porket naghuhubad kami, ‘yon na agad ang tingin sa amin ng tao," ani Robb.

“Marami po talagang ganyan na porket akala nila naghuhubad kami, ganoon din kami sa totoong buhay. It’s not true,” dagdag naman ni Azi.

Ayon pa sa dalawa, hindi rin totoo na ganda lang ang mayroon sa mga sexy star.

Depensa ni Azi, hindi sila makakarating sa kinalalagyan nila ngayon kung ganda lang ang mayroon sila.

“Hindi puwedeng ganda lang, kailangan matalino ka, magaling ka magsalita," ani Robb na sinamahan ni Azi ng "madiskarte."

Hindi rin umano madali ang maghubad sa kanilang trabaho.

“Sa una siyempre, sobrang hirap talaga sa part namin dahil kumbaga pinapakita mo ‘yung lahat eh. I mean, wala na kaming tinatago talaga. All out na talaga ‘yon eh,” sabi ni Robb.

Ayon naman kay Azi, gusto niyang matapos agad ang eksena nang una siyang sumalang sa paghuhubad sa harap ng camera.

“Actually nga po nu'ng una ko, sabi ni direk, parang gusto ko daw matapos agad. Halata pala 'yun sa camera. Kasi first time ko 'yun magpapakita ng katawan,” saad niya.

Maling paniniwala rin umano sa mga sexy star na "high maintenance" sila. Ayon kina Robb at Azi, ok sa kanila ang mga simpleng pagkain gaya ng mga street food na "tusok-tusok."

Isa pang maling paniniwala na hindi seryoso sa pakikipagrelasyon ang mga katulad nila.

“Mali. Siyempre may mahirap din na part sa amin kasi hindi naman halos lahat ng lalaki, makakaintindi sa trabaho namin. Kailangan namin ng isang lalaki na open-minded sa ginagawa naming trabaho,” paliwanag ni Robb, na single daw siya ngayon, pati na si Azi.

Sinabi rin ni Robb at Azi na hindi pa nila nararanasan na mabastos o ma-take advantages sa kanilang trabaho.

Ibinahagi nila na nagkakausap muna sila ng kanilang direktor at maging ng kanila co-stars para ipaalam ang mga puwede at hindi, o ang mga limitasyon bago gawin ang eksena. —FRJ, GMA Integrated News