Kambing o tupa? Iyan ang tanong tungkol sa kung sino ang tunay na ama ng batang tupa na si "Flumo" na isinilang sa Germany. Para malaman, isinailalim pa sa DNA test ang batang tupa at excited ang mga siyentista na alamin kung hybrid nga ba siya.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing isinilang si Flumo ng kaniyang nanay na tupa na si "Selma," sa isang farm.
Pero hinala ni Dag, na may-ari ng mga hayop, posibleng hindi tupa ang ama ni Flumo, kung hindi isang kambing na si "Rune."
Ang balahibo kasi ni Flumo, puti na may brown spots, na kaiba sa balahibo ng tupa na dark ang kulay na gaya ng kaniyang ina.
Mas tunog kambing din daw si Flumo kaya lalong lumakas ang hinala ni Dag na nakalikha ng hybrid na tupa at kambing ang kaniyang farm sa pamamagitan ni FLumo.
Ilang beses na rin daw niyang nahuli si Rune na sinubukang makipag-mate ang mga tupa.
Base sa mga eksperto, ang mga tupa ay mula sa genus na Ovia at may 54 chromosomes, habang nagmula naman sa genus Capra ang mga kambing na may 60 chromosomes.
Posible ang pag-mate ng dalawang uri ng hayop at posible ring makabuo ng embryo.
Ngunit dahil sa pagkakaiba ng chromosomes, namamatay daw ang embryo sa sinapupunan pa lamang kaya hindi nakakabuo ng baby.
Bagaman may mga naitala nang mga nabuhay na hybrid ngunit napakapambhira umano nito.
Isinailalim sa pagsusuri si Flumo upang matukoy kung isa nga ba siyang hybrid. Kinunan ng DNA sample ang kaniyang ina at ang hinihinalang ama na kambing.
At nang lumabas ang resulta, lumitaw na purong tupa si Flumo pero hindi alam kung sino sa mga tupa ang kaniyang tunay na ama.
Bagaman nadismaya ang mga siyentista sa resulta ng test, patuloy pa rin ang gagawin nilang pag-aaral sa hybrids.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News