Naging makapigil-hininga ang ginawang pagsagip ng mga construction worker sa kanilang dalawang kasamahan na nakalambitin sa gilid ng ginagawa nilang mataas na gusali sa India matapos na maputol ang tali sa tinutungtungan nilang trolley.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video sa nangyaring insidente sa labas ng isang construction site sa Uttar Pradesh sa India.
Mayroong 42 palapag ang gusali kung saan nagsasagawa ng paglilinis sa labas ng gusali ang dalawang window cleaner nang maputol ang tali sa isang bahagi ng tinutungtungan nilang trolley kaya tumabingi ito.
Mabuti na lang ay may nakapitan ang dalawa at may roon silang harness kaya hindi sila tuluyang nahulog nang maputol ang tali.
Hindi pa malamang kung ano ang dahilan kung bakit naputol ang lubid.
Ayon sa local reports, sa takot ng dalawa na baka bumigay din ang kabilang tali ng trolley, sinabihan nila ang kanilang mga kasamahan na nasa rooftop na hagisan na lang sila ng lubid at saka sila dahan-dahan na hilahin pataas.
Mula sa labas ng gusali, makikita kung gaano kadelikado ang naging sitwasyon ng dalawang manggagawa.
Sa kabutihang-palad, naging matagumpay naman ang pagsagip sa dalawa at hindi rin sila nagtamo ng malalang injuries.
Ayon sa Construction Industry Development Council sa India, may mababang safety record ang kanilang bansa pagdating sa kaligtasan ng mga construction workers.
Sa kabila pa ito ng mga umiiral na batas kaugnay sa pagbibigay ng proteksyon sana sa mga naturang uri ng manggagawa.-- FRJ, GMA Integrated News