Namumutla at nanghihina na nang abutan ng mga awtoridad sa loob ng kaniyang bahay ang isang babae habang may nakapalipot na malaking sawa sa kaniyang katawan sa Thailand.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita na nakaupo sa sahig ang 64-anyos na si Arrom Arunroj, habang nakapalupot sa kaniya ang sawa nang dumating ang mga awtoridad sa Samut Prakan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ikinuwento ni Arrom na naghuhugas siya ng plato nang bigla siyang sakmalin ng sawa na isang reticulated python na nasa 13 talampakan ang haba.
Matapos siyang sakmalin, kaagad daw siya nitong nilingkis o pinaluputan sa katawan.
Sinubukan umano ni Arrom na tanggalin ang sawa sa pagkakapulupot sa kaniya pero lalo raw humigpit ang kapit nito sa kaniya hanggang sa natumba na siya sa sahig.
Nagsisigaw si Arrom para humingi ng saklolo pero walang nakarinig. Tumagal pa ng dalawang oras bago dumating ang nakatira sa katabi niyang kuwarto na siyang nakarinig sa paghingi niya ng tulong.
Ang kapitbahay na rin ang tumawag ng mga pulis.
Batid daw ni Arrom na hindi siya tatantanan ng sawa hanggang hindi siya namamatay para kainin. Kaya nagdasal siya at pinilit na manatiling buhay hanggang sa dumating ang tulong.
Walang kasama si Arrom sa bahay dahil kamamatay lang ng kaniyang asawa. Magubat din ang likod ng kanilang bahay na hinihinalang pinanggaling ng sawa.
Ayon sa pulisya, manhid at maputla na ang braso ni Arrom nang abutan ng mga pulis, at may sugat siya sa binti na kagat ng sawa.
Inabot ng 30 minuto bago nila naalis ang sawa sa katawan ni Arrom, at ibinalik nila sa gubat ang ahas.--FRJ, GMA Integrated News