Sa kasagsagan ng bagyong Carina noong Hulyo, isang construction worker ang inutusan na maghukay ng canal sa kaniyang project site sa Batangas. Hanggang sa aksidente niyang mabungkal ang tatlong figurine at maliliit na butil ng mga bato na kumikinang. Naka-jackpot na nga kaya siya?
Sa nakarang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nagpadala ng mensahe sa programa si Darryl na may kalakit na video tungkol sa tatlong figurine at maliliit na bato na kaniyang nahukay.
Nais ni Darryl na magpatulong sa programa upang maipasuri ang mga bagay na kaniyang nahukay para malaman kung ginto ang mga ito o may katumbas na malaking halaga gaya ng akala ng kaniyang mga kasamahan.
Tubong-Surigao si Darryl at may naiwan na pamilya sa lalawigan. Nakipagsapalaran siya na magtrabaho sa ibang lugar hanggang makapasok sa isang kompanya kung saan nadestino siya sa Batangas.
Magiging malaking tulong para kay Darryl na makapagtayo ng negosyo at makapagpagawa raw ng bahay kung lalabas na ginto ang mga napulot niya at may katumbas na malaking halaga.
Ayon kay Darryl, nakabalot sa wax ang tatlong maliliit na pigura na dalawang Buddah at isang ahas nang kaniyang mahukay. Nasa tabi ng mga ito ang maliliit na butil na tila mga bato na kumikinang.
Gawa metal ang tatlong figurine na nasa 3 inches ang taas, at tumitimbang ng mula 20 hanggang 70 grams.
Ayon pa kay Darryl, may mga usap-usapan din sa lugar na may mga taong naghahanap umano ng kayamanan sa lugar kung saan niya nahukay ang mga figurine.
Katunayan, may mga lalaki raw na nagtanong tungkol sa nahukay niyang mga figurine pero itinanggi niya ito dahil sa takot.
Para malaman ang katotohanan kung kayamanan nga ba ang kaniyang nahukay, ipinasuri ang mga ito sa mga eksperto, kabilang na sa Metallurgical Engineer ng University of the Philippines sa Diliman, Quezon City.
Yayaman na nga kaya si Daryll o isa na naman itong kuwento sa kasabihang hindi lahat ng kumikinang ay ginto? Alamin ang resulta sa video na ito ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News