Inihayag ni dating Manila Mayor Isko Moreno na labis siyang nalungkot nang ipaalam sa kaniya na nagkaroon ng cancer ang kaniyang kaibigan na si Dr. Willie Ong, na naging running-mate niya sa 2022 presidential elections.
Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabi ni Moreno na nakausap niya sina Doc Willie at maybahay nito na si Dra. Lisa nitong Biyernes at ipinaalam ang kalagayan ng kalusugan ng kaniyang kaibigan.
Tumakbong presidente si Moreno noong 2022 elections sa ilalim ng Aksyon Demokratiko party, at naging kandidato niyang bise presidente si Ong.
Ngayong Sabado ipinaalam ni Doc Willie, na isa ring vlogger na nagbibigay ng mga payo at libreng konsultasyon, ang tungkol sa pakikipaglaban niya sa cancer.
"Nalulungkot ako at the same time hoping for his quick recovery. Sabi ko maraming nagmamahal sa kaniya at umaasa sa mga gabay at payo niya sa kalusugan na mga kababayan natin," ayon kay Moreno.
"Sinabi ko tatagan niya ang kaniyang kalooban at may awa ang Diyos na malalagpasan din niya ang pagsubok na kinakaharap niya," dagdag pa ng dating alkalde.
Kasabay nito, nanawagan si Moreno sa publiko na ipagdasal si Doc Willie para sa mabilis nitong paggaling at isama na rin sa panalangin ang pamilya nito.
Sa kaniyang post sa social media platform, sinabi ni Doc Willie na nakita ng mga doktor ang isang 16 x 13 x 12 centimeter na sarcoma sa kaniyang tiyan.
Nakapuwesto raw ito sa likod ng kaniyang puso at sa harap ng kaniyang spine.
"Ang bukol na ito, malaking malaki daw. Isa sa pinakamalaki na nakita nila," kuwento ni Ong sa kaniyang video na ipinost sa YouTube.
Ni-record ni Ong ang nasabing video mula sa kaniyang kuwarto sa isang ospital noong Agosto 29 pa.
Nitong Sabado lang nailabas ang video "because of Doc Willie's serious and complicated journey through chemotherapy," ayon sa isang post sa kaniyang Facebook account.
Ayon sa Mayo Clinic, ang sarcoma ay general term para sa broad group of cancers na nagsisimula sa buto at sa soft or connective tissues.
Kuwento ni Ong, noong Abril 2023 ay nakaramdam siya ng discomfort habang nagsasagawa ng medical missions.
Mayroon siyang fatigue at hirap sa paghinga at paglunok. Akala niya ay dulot lang ito ng kaniyang edad na 60 noong Oktubre 2023.
Nag-umpisa siyang makaramdam noong Oktubre ng back pain na umaabot hanggang sa upper part ng kaniyang spine. Dahil dito, hirap siyang matulog nang nakatihaya sa kama.
Nitong Agosto lamang, mas lumala pa umano ang nararamdaman niyang sakit sa likod.
"Worst pain of my life. 10 out of 10. Iiyak ka. Buong gabi walang tulog," kuwento ni Ong.
Na-confine siya sa isang ospital sa abroad at na-diagnose ng sarcoma, na itinuturing "very rare, aggressive, very big."
Sa kabila ng kanyang health challenge, nananatiling positibo sa pananaw si Ong.
"Malungkot ako? Hindi. Suwerte nga ako may asawa ako nagbabantay. Suwerte ako may [mga] anak ako... binabantayan ako. I'm so blessed," aniya.
"Is this negative or positive? Negative, may bukol. Pero positive, naging close sa akin 'yung dalawang anak ko, na dati may barrier kami. Pamilya ko naging close," dagdag niya.
Regular na nagbibigay ng health at wellness tips si Ong sa kanyang 9.7 million YouTube subscribers at 17 million Facebook followers, na siyang bilang habang isinusulat ito.
Nagsilbi rin si Ong bilang consultant ng Department of Health mula 2010 hanggang 2014.
Nagtapos siya ng medisina sa De La Salle University College of Medicine noong 1992 at ng kanyang Master in Public Health degree mula sa University of the Philippines Manila noong 2002. —FRJ, GMA Integrated News