Muling dumalo si Gerald Santos sa pagdinig ng isang komite sa Senado, at pinangalan ang musical director na nanghalay umano sa kaniya noong 15-anyos pa lang siya. Nagpasalamat din ang singer sa GMA Network sa pag-aksyon sa kaniyang reklamo noon.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, nagpatuloy ang pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, tungkol sa umano'y nangyayaring sexual harassment sa showbiz at media.
Bukod sa muling tinalakay ang alegasyon ni Sandro Muhlach laban sa independent contractors na si Jojo Nones at Richard Cruz, humarap din muli sa pagdinig si Gerald at tinukoy niya si Danny Tan, ang musical director na inaakusahan niyang humalay sa kaniya noong 15-anyos pa lang siya.
Basahin: Jojo Nones, mananatiling nakadetine sa Senado; Richard Cruz, nasa ospital naman
Nagpasalamat si Gerald sa GMA Network sa ginawang pag-aksyon nito sa kaniyang reklamo at pagsibak kay Tan.
"Isa pong kaluwagan ngayon na malaman officialy na may ginawa ang GMA laban sa tao na aking inakusahan 18 years ago," sabi ng singer.
Sinabi Gerald na kung naabisuhan sana sila noong 2011 sa naging resulta ng imbestigasyon ng network ay posibleng nakapagsampa na sila ng kaso noon laban kay Tan.
"Ganoon pa man maraming salamat sa GMA sa pag-aksyon po na kanilang ginawa sa complain na idinulog ko," sabi ni Gerald na pinag-aaralan umano ng kaniyang abogado ang maaaring reklamo na puwede nilang ihain laban kay Tan dahil nangyari ang insidente 19 taon na ang nakalilipas.
Samantala, sinusubukan pa na makuha ang panig ni Tan tungkol sa mga alegasyon ni Gerald, ayon sa ulat.
Sa Facebook post ni Gerald, sinabi niya na lumuwag ang kaniyang dibdib nang mapangalanan niya sa Senado ang kaniyang inaakusahan.
"Ang luwag sa dibdib ko ngayon na aking pinangalanan na ang umabuso sa akin kanina sa Senado... Unti unti ay nakakamit ko na ang hustisya at dadalin na namin ito sa hukuman," saad niya.
"Ang akin pong paglabas tungkol dito should not be a lost cause... Ito sana ay magsilbing inspirasyon sa lahat ng mga biktima ng Sexual Abuse na hindi ninyo kailangang matakot dahil now more than ever ay naaalis na ang stigma at pangmamata sa mga biktima ng ganitong karahasan," patuloy ni Gerald.
Pahayag pa ng singer sa post, "At sa mga taong gumagawa ng hindi tama at inaabuso ang kanilang posisyon, bilang na ang mga araw ninyo. This is a stern warning sa inyo na walang lihim ang hindi mabubunyag." -- FRJ, GMA Integrated News