Sa harap ng usapin tungkol sa pang-aabuso umano na nagaganap sa showbiz industry, may pinasaringan ang aktor na si Ahron Villena sa isa niyang post tungkol sa isang direktor na hindi niya pinangalanan na nag-"exploit" umano sa kaniya noong nagsisimula pa lang siyang mag-artista.
Sa Instagram Stories ni Ahron, inilahad ng aktor na nangyari ang hindi niya makalimutang karanasan nang nakasama siya sa isang pelikula na "cameo" lang ang kaniyang role, at kailangan niyang maglagay ng "plaster" upang matakpan ang maselang bahagi ng kaniyang katawan.
"May tumutulong na sa akin sa production [staff] pero pumasok ka sa CR at pinaalis mo siya. Ang sabi mo pa, 'Dapat hindi ka magpapalagay sa kanila ako na dapat maglalagay nyan,'" saad ng aktor. "Wala naming problema sa 'kin pero ilang beses mong tinatamaan at dinidikit 'yung kamay mo [sa maselang bahagi ng katawan]."
"Dahil baguhan pa lang ako noon oo lang ako ng oo kasi kelangan ko din kumita ng pera pero malamang hindi mo na maalala kasi sigurado ako hindi lang ako ang ginawa mo ng ganun," patuloy ni Ahron.
Dati nang nabanggit ni Ahron ang naturang karanasan niya sa isang panayam ng "Fast Talk with Boy Abunda" noong nakaraang Marso pero hindi niya tinukoy kung sino ito.
BASAHIN: Ahron, inilahad ang naranasang 'exploitation' noong bago pa lang siyang artista
Ayon sa aktor, nirerespeto pa rin niya ang direktor kaya hindi niya ito pinangalanan. Ngunit payo niya, mabuting manahimik na lang ang direktor tungkol sa usapin ng pagsasamantala.
"Kahit noon or ngayon never naman magiging tama 'yung gawaing ganun. Kung totoo man or hindi hindi mo dapat i-tolerate 'yung mga ganung bagay!" saad ni Ahron.
—FRJ, GMA Integrated News