Alamin kung sino kina Keempee De Leon at John Lloyd Cruz ang naging unang boyfriend at super crush ng Kapuso actress na si Carmina Villaroel.

Sa isang episode ng programang "Sarap Di Ba," ipinagdiwang ang ika- 49 taong kaarawan ng host nito na si Carmina, na napapanood din sa Kapuso hit afternoon series na “Abot Kamay Na Pangarap.”

Kasama ang kaniyang mga anak na si Mavy at Cassy, nagpakita ng ilang larawan ng mga aktor na dapat i-describe ni Carmina.

Ang co-star niya sa Abot Kamay na Pangarap na si Richard Yap, tinawag ni Carmina na maginoo.

Sa isang bahagi ng segment, binanggit din ni Carmina na "look can be deceiving" kay Richard, dahil may kakulitan at funny umano ang aktor sa kabila ng gentleman, malinis at mabango nitong hitsura.

Si Gabby Concepcion, sinabihan ni Carmina na "red lips," habang tinawag niyang "kuya" nang ipakita ang larawan ni Richard Gomez.

Bahagyang natagalan naman sa pagsagot si Carmina nang ipakita ang larawan ni Keempee, na inamin niya na kaniyang naging unang nobyo.

Crazy at cool naman na inilarawan ng aktres si Ian Veneracion, habang mabilis na super crush ang sinabi ni Carmina nang ipakita ang larawan ni John Lloyd Cruz.

"Ang galing niya kasing umarte," paliwanag ni Carmina patungkol kay John Lloyd nang tanungin kung bakit niya ito naging super crush. --FRJ/RSJ, GMA Integrated News