Hindi na tuloy ang tatlong araw na concert ni Taylor Swift sa Vienna, Austria ngayong linggo matapos itong kanselahin ng gobyerno dahil sa banta ng terror attack.
Sa ulat ng Reuters, sinabi na batay sa impormasyon na nakuha ng mga awtoridad, balak na atakihin ang lugar na pagdarausan ng concert ni Swift na Ernst Happel Stadium.
"A tragedy was prevented," saad ni Austria's Chancellor Karl Nehammer sa post sa social media platform na X.
"Thanks to the intensive cooperation of our police and the newly established DSN with foreign services, the threat was identified early on, combated and a tragedy prevented," sabi pa ni Nehammer na ang tinutukoy na DSN ay Directorate for Security and Intelligence.
Ire-refund o isasauli naman ang bayad sa mga nabiling ticket.
Ayon kay Franz Ruf, director general for public security, dalawang suspek sa planong pag-atake ang naaresto.
"During our investigations, we identified preparatory actions and noted that the 19 year-old suspect had a particular focus on the Taylor Swift concerts in Vienna," sabi ni Ruf.
Isang Austrian citizen umano ang suspek na nanumpa ng katapatan sa Islamic state. Isa pang suspek ang nadakip sa Vienna kinalaunan.
Tatlong suspek pa ang hinahanap, at pinuntahan na ang bahay ng isa sa mga suspek sa Ternitz, Lower Austria, para alamin kung may iba pang impormasyon na makukuha doon.
Idaraos sana ang tatlong araw na Taylor Swift concert sa Vienna mula Huwebes hanggang Sabado, at inaasahan 65,000 tao na may ticket ang dadagsa sa bawat gabi ng concert sa loob ng stadium, at 15,000 tao naman sa labas na walang mga ticket.
Wala pang pahayag si Swift sa ginawang pagkansela sa kaniyang concert.
Matapos ang Vienna, sunod na gagawin ang concert ni Swift sa London ng anim na gabi sa Wembley Stadium na magsisimula sa Aug. 15. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News