Magsasama-sama ang mga OPM legend para sa isang fundraising concert upang tulungan ang dating sikat na folk singer na si Coritha na nasa banig ngayon ng karamdaman.
Si Coritha ang umawit ng mga 'di malilimutang mga kanta gaya ng "Oras Na," "Lolo Jose," Sierra Madre" at maraming pang iba.
Sa Facebok post ni Romeo Babao, retired doctor, sound engineer at producer, ibinahagi niya ang kalagayan ngayon ng mang-aawit matapos makaranas ng multiple stroke.
Bago nito, nasunugan din noon ng bahay si Coritha at wala siyang naisalba.
Ayon kay Romeo, dahil sa nangyaring sunog, sa tent na noon tumuloy si Coritha at walang kuryente.
Napabayaan na rin niya ang kaniyang kalusugan.
Kasalukuyang tumutuloy si Coritha sa bahay ng kaniyang kaibigan na si Luisito Santos, na unang nagbahagi ng kalagayan ng mang-aawit.
Kabilang naman sa mga tumugon sa panawagan ng pagtulong kay Coritha ang manager ng The Jerks na si Monet Pura.
Nag-organisa sila ng show sa My Brother's Moustache sa Monday, August 5, na may door fee na P500.
Kabilang sa inaasahang dadalo sina Mike Villegas (na sasamhan si Bayang Barrios), Bobby Mondejar and Friends, Toto Sorioso, Corky & Kiko, Kwachi Vergara (na sasamahan si Cooky Chua), Becky & Lester Demetillo.
Sa hiwalay na Facebook post, ibinahagi ni Monet ang iba pang maaaring ibahagi ng mga pupunta sa concert gaya ng adult diapers, milk, wipes, at nasogastric tubes.
Nagpakita rin ng suporta kay Coritha si Dong Abay na gumawa ng cover song ng "Oras Na" sa Facebook.
"No copyright infringement intended," saad ni Dong. "For awareness of Coritha's health concerns. Please support efforts for her healing."
Ipinost naman ni Cooky Chua sa Facebook ang poster ng fundraising concert para kay Coritha: "Para kay Coritha. Tara. Details sa poster po."
— FRJ, GMA Integrated News