Isang negosyante na panay umano ang "flex" sa social media ng malaking kita mula sa kaniyang beauty and skincare products na hinahabol ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil hindi raw nagbabayad ng tamang buwis.
Sa 120th anniversary celebration ng BIR sa Pasay City, na ibinida rin ang bagong logo ng ahensiya, sinabi ni Commissioner Romeo Lumagui Jr. sa mga mamamahayag, na sinalakay kamakailan ng BIR ang mga bodega ng negosyante na hindi niya pinangalanan.
Natuklasan umano na hindi nakarehistro ang mga pasilidad ng negosyante na nagbebenta ng mga produktong pampaganda at pampaputi.
“Tatlong warehouse niya ang unregistered,” ani Lumagui na sinabing ipinatawag na nila ang negosyante para magpaliwanag.
“Nagfe-flex sa social media na bilyon-bilyon [piso] ang kinikita… sinasabi bata pa lang, bilyon na ang kinikita… tapobilyonaryo na, pero hindi nagbabayad ng buwis," sabi pa ng opisyal.
Bagaman hindi nagbigay ng mga detalye, sinabi ni Lumagui na sasampahan nila ng tax violation complaint ang negosyante.
“Ang dami pa rin natin nakikita ang mga unregistered warehouses na kung saan nandyan nakatago ang mga produkto nitong mga malalaking negosyante na engaged diyan sa online na selling,” sabi niya.
“Magbayad naman tayo, magrehistro naman tayo at ipakita naman natin na tinutulungan din natin ang ating bayan sa pamamagitan ng pagbayad ng buwis dahil maraming mga negosyante na nagbabayad ng buwis,” dagdag niya.
Sa pagnanais ng BIR na mapalaki ang buwis mula sa lumalagong e-commerce, kailangan na ngayon na magbayad ng withholding tax ang mga nagbebenta ng mga produkto sa online platforms simula sa July 15, 2024.
Ayon kay Lumagui, bilyong-bilyong piso ang inaasahan nilang makokolektang buwis mula sa e-marketplace industry.
“Itong withholding tax on online transactions, dahil effective na ‘yan, inaasahan natin na malaki rin ang maitutulong nito,” anang opisyal. "We're expecting that ‘yung revenues natin diyan would be in the billions."
Ayon kay Lumagui, dapat mabago na ang mentalidad ng mga nagnenegosyo online na hindi sila dapat patawan ng buwis.
“‘Yung mentality rin mga nasa mga online sellers na tingin nila dapat hindi sila mabuwisan… mga wala naman din silang pinagkaiba sa mga traditional na brick-and-mortar stores… kaya naman ang kinakailangan lang talaga dito is mas agresibong pangangampanya kung sino-sino ba talaga dapat ang magrehistro at magbayad ng buwis para naman pantay-pantay ang pagtrato natin,” ani Lumagui.
“Ang daming nagsi-shift from traditional na mga purchases [papunta] doon sa mga online. So ang daming mga transactions na nagsi-shift diyan na hindi nakukuha ng BIR. That's why naka-focus tayo dyan na mabuwisan ‘yung mga nandyan sa online,” dagdag niya.-- mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News