May kasabihan na pupulutin sa kangkungan ang mga hindi nagsisikap. Pero ang isang batang lalaki sa Rizal na 10-taong-gulang, kinukuha ng pamilya ang kanilang ikinabubuhay sa kangkungan at nagsisikap siya sa pag-aaral upang makatapos at makaahon mula sa kahirapan.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala si Lorence Gonzales Ticay ng Baras, Rizal, na maingat sa kaniyang pagsasagwan sa Laguna lake upang tumulong sa kaniyang ama at ina sa pangunguha ng kangkong.
Ang bahagi ng kaniyang kakarampot na kinikita sa pamimitas ng kangkong, ibinibigay niya sa kaniyang ina para ipambili ng kaniyang gamit sa pag-aaral.
Mula sa kanilang payak na bahay, sasakay si Lorence sa bangkang de motor kasama ang kaniyang ama at ina. Nakakabit naman sa bangka ang tatlo pang maliliit na bangka na kung tawagin ay boka-boka na de-sagwan.
Ang mga boka-boka na gawa sa kahoy ang kanilang ginagamit para puntahan ang parte ng lawa na maraming kangkong. Pero hindi madali ang magsagwan sa lugar na may makapal na kumpol ng mga kangkong.
"Gusto ko lang pong mamitas kasi po para kang naglalaro," ayon kay Lorence. "Kapag po ako namimitas maraming insekto pati mga gagamba...Makati po."
Sabi pa ng bata, masakit din sa kuko ang pamimitas ng kangkong dahil sa dagta nito. Bukod sa kailangang tiisin ang init ng araw, o kaya naman ay lamig ng panahon kapag umulan kapag nakababad sa tubig.
Nilinaw naman ng ina ni Lorence na si Liezel na hindi niya inoobliga ang anak na sumama sa kanilang mag-asawa at magtrabaho.
Si Lorence na mismo ang nagsabi na nais niyang tulungan ang kaniyang ina.
"Ayaw kong nahihirapan po si Mama. Ang bigat po ng pakiramdam ko. Tinutulungan ko sina Mama. Kusa po akong sumasama para makatulong," naiiyak na sinabi ni Lorence.
Kumikita sila pamimitas ng kangkong ng P200 kada araw. Ngunit hamon sa kanila kung paano ito pagkakasyahin para sa apat na anak si Liezel sa una niyang kinasama, at isa sa bago niyang karelasyon.
Sa pagdokumento ng team KMJS, target nina Lorence at kaniyang ina na makapitas ang tig-15 bungkos ng kangkong, na maibebenta nila ng P20 kada bungkos.
"Mahirap po kasi. Nahirapan po ako sa sitwasyon ko ngayon. Gusto ko silang pag-aralin nang mabuti pero hindi ko magawa," sabi ni Liezel.
Nang sandaling iyon, pinauna na si Lorence na umuwi at ibenta ang nakuha niyang limang bungkos ng kangkong dahil hindi pa kumakain ang kaniyang mga kapatid.
Naibenta iyon ni Lorence sa halagang P100. Ang pera, ipinambili niya ng bigas at isang lata ng sardinas sa halagang P90.
Ang natirang P10, ibinigay niya sa kaniyang ina para ipagdadag sa gamit niya sa eskuwelahan. Ang notebook kasi ni Lorence, dalawang piraso na lang gamit na, isang lumang lapis.
Ang dalawa sa tatlo niyang uniporme, bigay naman ng kaniyang kapitbahay. Batid ni Lorence ang kahalagahan ng edukasyon para makahanap siya ng magandang trabaho at makaahon sa kangkungan.
"Paglaki ko po magiging pulis po ako. Hindi na ako magiging mangangangkong," sabi niya.
Tunghayan ang buong kuwento ni Lorence at kaniyang pamilya sa kanilang pamumuhay sa kangkungan at kung ano ang mga tulong na kanilang natanggap, tulad sa lokal na pamahalaan. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News