Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national sa Davao City matapos mag-apply ng Philippine passport at magsumite ng mga dokumento na hinihinalang peke o hindi totoo ang nakasaad.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing pinangunahan mismo ni Bureau of Investigation-Davao (NBI-11) Director Atty. Arcelito Albao, ang padakip sa 21-anyos na suspek.
Isinagawa ang pag-aresto matapos itimbre ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang aplikante na nais makakuha ng pasaporte ng Pilipinas. Kaduda-duda umano ang mga isinumite nitong dokumento sa kanilang tanggapan sa loob ng isang mall sa Davao City.
Ayon sa awtoridad, hindi nakakaunawa o nakakapagsalita ng wikang Filipino o Bisaya ang suspek.
Ang Filipino name na ginamit niya sa dokumentong isinumite sa DFA ay authenticated birth certificate na mula sa Local Civil Registrar ng Sta. Cruz, Davao del Sur.
Tukoy na umano ng NBI ang tunay na pangalan ng suspek na kumpirmadong Chinese pero hindi muna isiniwalat habang patuloy pa ang imbestigasyon.
“Although pending pa yung verification from the immigration but meron kaming ginawang investigation kahapon we found out that he is really a Chinese national in fact mga pangalan nakuha na namin itong birth certificate niya alam na namin na falsified 'to, hindi totoo ang mga information,” sabi ni Albao.
May hardware business umano ang pamilya ng suspek at 10 taon nang naninirahan sa Davao City.
“Late [birth] registration 'to … 2013 inapply sa LCR, late registered siya. In one of the interviews ng DFA kung sino nagpaanak sa kaniya, ang sabi niya doktor and nang tiningnan namin, hilot ang nakalagay… doon pa lang, klaro na na hindi siya na-brief nang maayos,” sabi ni Albao.
“For verification pa ang nakuha naming… he was born in Fujian, China pati yung mother at father niya so ang latest ang father niya nasa Fujian, China,” ayon naman kay NBI-11 Assistant Regional Director, Jonathan Balite.
Kabilang sa iimbestigahan ng NBI-11 ang mga dokumento ng suspek at posibleng pananagutan ng registrar na nagbigay sa suspek ng birth certificate.
Nilinaw naman ng NBI-11 na walang kaugnayan sa illegal POGO operation ang pag-aresto sa suspek.
“We don’t think so na may relationship siya sa POGO kasi dito lang siya nakabase sa Davao but with regards itong mga issuance of falsified documents, kasali ito," ani Albao.
"Kasi yung ibang Chinese national na nahuhuli sa Manila and Pampanga and other regions, mostly dito sa LCR Sta Cruz. Medyo easy sila na hindi nila masyadong inapply ang pag scrutiny ng mga documents kaya nakakalusot or meron talagang mga tao na nasa likod nitong sindikato,” dagdag ni Albao.
Mahaharap ang suspek sa mga reklamong perjury, falsification of public documents, at paglabag sa Philippine Passport Act. -- FRJ, GMA Integrated News