Naalarma ang ilang motorista sa Broward County sa Florida, USA nang makita nila ang isang lalaking sakay sa kotse na iniwan sa gilid ng highway ang isang bata. Ang lalaki, carnapper pala.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video footage mula sa Broward County Sherriff's Office sa Florida, na bumaba ang suspek sa kotse para kunin ang bata na nasa likod ng sasakyan at iniwan sa gilid ng highway.

Nang mailapag ang bata na nasa child car seat, agad itong umalis sakay ng kotse na kaniya palang ninakaw. Ang kawawang paslit, inalalayan naman ng mga tao.

Napag-alaman na bago ang insidente, nasangkot sa banggaan ang kotse at bumaba ang babaeng nagmamaneho nito.

Pagbaba ng lady driver, sumalisi ang suspek at pinatakbo ang sasakyan kasama ang bata na nakaupo sa likuran.

Kinalaunan, inabandona rin ng suspek ang kotse pero tinangay niya ang ilang gamit rito, kabilang ang credit card ng babae.

Sa kuha ng CCTV camera sa isang tindahan, nakuhanan ng video ang suspek nang gamitin niya ang credit card ng lady driver.

Naaresto ang suspek pagkaraan ng apat na araw, sinabi ng pulisya na may cocaine pa na nakuha sa kaniya.

Patong-patong na kaso ang kaniyang kakaharapan ng suspek na hindi nagbigay ng pahayag.--FRJ, GMA Integrated News