Gulpi ang inabot ng isang lalaki na nabistong nagnakaw umano ng cellphone sa isang burol sa Cebu City.

Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Lunes, sinabing nakikain at nagkape muna ang suspek sa burol na kunwaring nakikiramay sa namatayan.

Nagawa pa umanong makipagkuwentuhan ng suspek sa iba pang taong nakikipaglamay.

Hanggang sa kunin umano ng lalaki ang isang cellphone na naka-charge at sabay alis. Pero may nakakita sa kaniya kaya hinabol siya ng ibang mga tao at ginulpi.

Ayon umano sa security guard ng punerarya, dati nang nakapaskil ang larawan ng lalaki sa kanilang establisimyento dahil dati na rin itong gumawa ng katulad na modus.

Dumating naman ang mga pulis sa punerarya pero nagpasya umano ang pamilya na huwag nang magsampa ng kaso laban sa suspek.--FRJ, GMA Integrated News