Nangilabot at natakot maligo sa dagat ang ilang bisita sa isang resort sa Davao Oriental nang makita nila na mga bulate pala ang nasa buhanginan at may mga lumulutang din sa tabing-dagat.
Sa video na ipinakita sa GMA Integrated Newsfeed, mistulang seaweeds o rubber band ang nakitang nakakalat sa tabing-dagat. Pero kapag sinuring mabuti, gumagalaw ang mga ito na may pinaghalong kulay na brown at asul.
Hindi naman agad naglabas ng pahayag ang lokal na opisyal tungkol sa insidente. Pero ayon sa ilang eksperto, posibleng mga palolo worms ang nakita sa baybayin.
Kadalasang natatagpuan ang mga palolo worm sa tropical regions ng Asya at Pasipiko.
Normal umano na inaanod sa tabing-dagat ang mga palolo worms kapag breeding season dahil kasama ito sa kanilang paraan ng pagpaparami o mass spawning.
Sa ilang lugar, kinakain o ginagawang delicacy umano ang palolo worms at may kamahalan ang presyo nito dahil bihirang makita sa dagat.
Kusa rin namang nawawala sa baybayin ang palololo worms kapag natapos na ang kanilang gawain sa pagpaparami.
Gaya ng nangyari noong 2021 nang dumagsa sa baybayin ng Cabugao, Ilocos Sur ang mga palolo worm.
Nawala rin ang mga bulate pagkaraan ng ilang oras at wala rin umanong naging epekto sa pangingisda ng mga tao roon. -- FRJ, GMA Integrated News