Bago mangyari ang COVID-19 pandemic, ang ischaemic heart disease o cardiovascular disease, o sakit sa puso ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino. Gaano nga ba ka kabigat sa bulsa ang operasyon sa puso upang maisalba ang buhay ng isang tao?
Ayon kay Philippine Heart Association (PHA) director Dr. Lourdes Ella Santos, ang ischemic heart disease o cardiovascular disease ang nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino bago pa man mangyari ang COVID-19 pandemic sa bansa noong 2020.Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Enero hanggang Agosto 2023 lamang, may 76,901 katao na ang namatay dahil sa ischemic heart disease, o katumbas ng 19.1% ng kabuuang bilang ng mga namatay sa bansa.
Pangalawa ang neoplasm sa mga nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino, na sinundan ng cerebrovascular diseases.
Ilan sa mga sintomas ng coronary heart disease ang "angina" o pananakit ng dibdib, kakapusan sa paghinga, at panghihina.
Gayunpaman, sa sandaling magsimula nang magpakita ang mga sintomas na ito, nagbabala si Dr. Santos, na posibleng nakababahala na ang pagbara sa mga ugat sa puso, na baka kailanganin na ang medical intervention.
“Ito’y parang hose na may kalawang. Kapag umabot na sa puntong ‘yung kalawang ay sobrang tindi na, hindi na makadaloy ‘yung tubig, medyo late na ‘yun in terms of treatment. So gusto mo maaga pa lang, either bahid-bahid pa lang ‘yung kalawang, may gagawin ka na para malinisan o ‘wag i-allow na mag-deposit ‘yung kalawang,” payo ng doktora.
Kinakapos sa hininga ‘pag umaakyat ng hagdan
Gaya ng sinabi ni Dr. Santos, medyo huli na nang malaman ni Pastor Rene na mayroon siyang coronary heart disease matapos magpakonsulta sa doktor.
Nagsimula lamang sa kakapusan sa paghinga sa tuwing aakyat siya ng hagdan, lumalala na pala ang kaniyang nararamdaman, at hindi siya handa sa kahihinatnan nito.
Noong Enero 2019, nakita sa isang angiogram procedure na barado ang kaniyang coronary arteries dahil sa pamumuo ng “plaque” na bumabara sa ugat.
“It says na ‘yung aking right ventricle was actually completely blocked and ‘yung aking left ventricle was 80% blocked, so 20% na lang ang natitira,” kuwento ni Pastor Rene.
“Nakita na masyadong maraming blocked na arteries. In fact, nakita nila sa angiogram na dahil barado na ‘yung right ventricle, naghanap na ng ibang malulusutan ‘yung dugo. Para na siyang Christmas tree na nagsanga-sanga na,” dagdag niya.
Dahil sa kalagayan ng kaniyang puso, kaagad siyang pinayuhan ng cardiologist na sumailalim sa Coronary Artery Bypass Grafting (CABG).
Babala sa kaniya, maaari niyang ikamatay kahit isang atake lang sa puso.
At nang tanungin niya kung magkano ang halagang kakailanganin sa operasyon, aminado si Pastor Rene na wala siyang ganoong kalaking halaga.
Abangan sa ikalawang bahagi ng serye kung magkano ang halaga ng operasyon ni Pastor Rene at papaano siya nakalikom ng pambayad. Abangan din ang kuwento ng isang babae na isinilang na may butas sa puso na taon-taon ay pinananabikan ang kaniyang kaarawan. —mula sa Cover Stories report ni Giselle Ombay, isinalin ni Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News