Upang mabigyan ng babala ang ibang tao, ibinahagi ni Maricar Reyes ang masakit niyang karanasan dahil sa kaniyang kapabayaan sa paggamit ng contact lenses nang matagal at expired pa.
Sa Tiktok video, inilahad ni Maricar na ilang araw niyang hindi naidilat ang kaniyang mga mata at sobrang masakit dahil sa paggamit niya ng expired colored contact lenses na tumatagal ng 12 oras.
Sa simula, sinabi Maricar na bahagya munang sakit sa mata ang kaniyang naramdaman na kaniyang binalewala dahil sa pag-aakalang normal lang ito.
Pero nang tumagal, tumindi ang sakit kaya nagpadala na siya sa ospital. Matapos bigyan ng gamot, pinauwi na umano siya pagkaraan ng ilang oras.
Ngunit muling sumakit umano ang kaniyang mata kaya binigyan na siya ng mas mataas na dose ng painkillers.
"For the next three days, halos hindi ko madilat 'yung mga mata ko sa sobrang sakit at maga," lahad niya. "It turns out meron pala akong corneal abrasions or malalaking gasgas sa magkabilang cornea or 'yung parte ng mata kung saan nakapatong ang contact lens."
Batid umano ni Maricar na dapat hanggang walong oras lang ang paggamit ng contact lenses pero inabuso niya ito at naging iresponsable siya.
"Sa tagal-tagal kong nagko-contact lens na sinusuot ko mga 12, 15 hours sa taping tas minsan expired pa bakit ngayon lang nangyari 'to," ani Maricar.
"Well, kahit ano pa ang excuse ko hindi pa rin mawawala ang bottom line na naging iresponsable ako. Masyado akong naging kampante kasi for many years walang masamang nangyayari," patuloy niya.
Ayon kay Maricar, nalaman niya niya sa ophthalmologist na hindi one-size fits all ang contact lenses, dahil hinaharang nito ang daloy ng oxygen sa cornea.
"Para makahinga nang maayos ang cornea, dapat maganda ang fit at material nung contact lens. Kung hindi, para siyang nasasakal. And if every day for more than eight hours parang nasasakal 'yung mata natin hindi maiiwasan na baka magkaroon ng complications or damage over time," pagbabahagi niya.
Ayon sa aktres, naghilom na ang galos sa kaniyang cornea pagkaraan ng pitong araw.
"Sabi ng ophthalmologist ko, napakasuwerte ko daw dahil sa laki ng mga sugat ko sa mata, puwede akong magkaroon ng mga peklat or mga puti-puti sa paningin ko, habang buhay," sabi ni Maricar.
Kaya naman paalala ni Maricar sa kaniyang followers na gumagamit ng contact lenses, "Huwag mong paabutin sa level ko na bigla ka na lang magigising na may sugat ka na sa mata at kailangan mong tumakbo sa ER dahil sa sobrang sakit."
"Magpatingin at magpa-advice sa ophthalmologist para maalagaan nang tama ang mga mata mo," dagdag niya. —FRJ, GMA Integrated News