Labis ang sakit na nararamdaman ng isang ina sa Oton, Iloilo dahil sa walang tigil na chismis ng mga kapitbahay na hindi umano tunay na anak ng kaniyang mister ang pangalawa nilang anak. Kaya para manahimik na ang mga "marites," nagpatulong siya na maipa-DNA test ang mag-ama. Alamin ang naging resulta.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing dumulog sa programa ang ginang na si Emelie Maravilla para magpa-DNA test ang kaniyang mag-ama at isapubliko ang resulta nito.
Naiipit sa mga chismis sa kanilang lugar ang kaniyang 9-anyos na anak na itinago sa pangalang “Jane.”
“Ang anak ko maputi, tapos ‘yung asawa ko sobrang itim daw. Kulay lang po talaga ‘yung binabasehan nila. Sabi nila maganda raw ‘yung anak ko at pangit daw ‘yung asawa ko,” sabi ni Emelie.
“Tahimik lang ako pero masakit sa dibdib ko,” sabi naman ni Moises Maravilla, asawa ni Emelie.
Hindi nila pinansin at sinasakyan na lang nila noong una ang mga chismis. Ngunit habang lumalaki si “Jane,” mas lalo pang umugong ang mga sabi-sabi na hindi siya tunay na anak ng mister ni Emelie.
“Lagi ako tinatanong kung gabi, ‘Bakit sinasabi nila Pa na hindi mo ako anak?’ ‘Yun, tumutulo minsan ‘yung luha ko,” sabi ni Moises.
“Kasi lumalaki na siya eh. Nagkakaroon na siya ng isip. Balang araw, baka ‘pag hindi namin napatunayan na anak siya ng papa niya baka marami siyang itatanong sa akin. Sobrang sakit po. ‘Yun bang pakiramdam na okay lang ako masaktan, huwag lang ‘yung anak ko. ‘Yun bang pakiramdam na ‘yung hindi niya kayang ipagtanggol ‘yung sarili niya,” sabi ni Emelie.
Isa sa mga kapitbahay ni Emelie na itinago sa pangalang “Anna,” ang nagsabing nagkagalit sila ni Emelie nang dahil sa hiniram na bluetooth speaker.
Mula rito, nagbangayan na silang dalawa, kung saan sinasabihan umano ni Anna si Emelie na hindi tunay na anak ng mister nito ang kanilang anak.
Depensa naman ni Anna, sinabihan siya ni Emelie na “pokpok” kaya siya nagalit.
Hanggang sa unti-unti nang maapektuhan sa mga pagdududa si Moises, at nababanggit niya ito sa mga pag-aaway nila ni Emelie.
“Masakit po ‘yung galing mismo sa asawa mo ‘yung panghihinala,” naluluhang sabi ni Emelie.
Hinala pa ni Emilie, ginamit na basehan ng mga marites ang pagkakaroon niya ng anak sa una niyang asawa.
Aminado din si Emilie, na may mga ka-chat siyang foreigner, at sa tuwing nag-aaway sila ni Moises, binibiro niya ang kaniyang mister na, ‘Hindi kita papalitan, dadagdagan kita,’” na ginagawa niya para pagselosin lang ito.
Pero iginiit ng ginang na hindi siya nagtaksil kay Moises, at siya talaga ang ama ng kanilang anak.
Nang lumabas ang resulta ng DNA paternity test, nakasaad na 99.999% positive, na ang ibig sabihin, anak talaga ni Moises ang bata.
Naiyak sa tuwa si Emelie sa resulta ng test dahil malilinis na ang kaniyang pangalan.
Si Moises naman, aminadong naghinala noon sa katapatan sa kaniya ni Emelie pero mabubura na ito dahil sa resulta ng DNA test.
"Ngayon napatunayan ko na tapat yung asawa ko sa akin na hindi niya ako niloloko," ayon kay Moises. --FRJ, GMA Integrated News