Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing sa tubig-ulan karaniwang umaasa ang nasa 300 residente sa isla Moamboc para mayroon silang pangsaing, pandilig sa tanim, pampaligo, panglaba at paghugas ng pinggan at iba pa.
Kapag walang ulan, napipilitan silang magbangka papunta sa kabilang isla sa sentro ng Barangay Sulangan upang mag-igib, na 20 minuto ang biyahe sakay ng de-makinang bangka, at higit na mas matagal naman kung bangkang de-sagwan lang.
Sa Isla Sulangan, pinupuno nila ang mga bitbit na container ng tubig mula sa deepwell.
Halagang P3 ang bayad para sa mga malalaking container, at P2 para sa mga maliliit. Gayunman, hirap pa rin sila pagdating sa tubig na maiinom dahil may alat ang naiigib na tubig sa sentro ng Sulangan.
Kaya ang ibang residente, umaangkat pa ng mineral o purified water sa kabilang isla para maibenta sa mga kabarangay, na halagang P40 kada galon.
Ngunit ang mga pamilyang walang pambili ng mineral water, walang magawa kundi ang inumin ang tubig na nakuha mula sa Sulangan.
Dahil dito, may ibang sumasakit ang tiyan ngunit tinitiis na lang dahil wala ring pambili ng gamot. Naospital na rin ang ilan sa mga batang umiinom nang hindi malinis na tubig.
Ang ibang residente na kakarampot ang kita sa pangingisda, napupunta sa pagbili ng tubig na maiinom ang pambili sana nila ng bigas.
Ano nga ba ang solusyon sa pagkakaroon ng malinis na tubig ng isla Moamboc, at ano ang mga ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan para maisakatuparan ito? Tunghayan ang buong kuwento sa video. -- FRJ, GMA Integrated News