Dahil sa patuloy na matinding init na nararanasan sa Nueva Ecija, mas malaking bahagi pa ng lumang bayan ng Pantabangan na pinalubog noon nang gawin ang dam ang lumitaw at nagiging instant tourist attraction sa lugar.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nakapagdaos ng misa ang Diocese ng San Jose, Nueva Ecija sa ibabaw ng pinalubog na lumang bayan ng Pantabangan.
Mas malaking bahagi pa raw ngayon ng lumang bayan na pinalubog noon sa tubig para gawing dam ang lumitaw dahil sa patuloy na pagbaba ng tubig na nasa negative 42 meters na below normal ng antas ng tubig.
Makikita na ngayon ang guho ng lumang simbahan, sementeryo at maging ang dating municipal hall, at ang dating bantayog ni Jose Rizal.
Sadyang pinalubog ang bayan noong 1970's para gawing imbakan ng tubig o dam ang lugar.
"Yung pagkakalitaw ng lumang bayan natin siguro ay dahil ngayon ay ika-golden anniversary," ayon kay Mayor Roberto Agdipa.
Dinadayo na ito ng mga turista at maging ng mga dating residente para masilayan ang hitsura ng pinalubog na bayan.
Pinapayagan na mapuntahan ang lugar ng hanggang 12 ng tanghali lamang. Hindi raw kasi ligtas ang alon sa hapon kapag tinawid ang nakalitaw na bahagi ng lumang Pantabangan gamit ang mga bangka.
Ikinututuwa ito ng ilang bangkero dahil nagkaroon sila ng pagkakakitaan.
"Nababalitaan namin itong Pantabanagan at napapanood sa news, pagkakataon na naming pasyalan to," sabi ni Hervy Santos.
"Basically yung krus na nakalubog, ngayon ay nakalutang na," pahayag naman ni Franco Santos.
Ayon sa local tourism office, ito na ang ika-anim na pagkakataon na lumitaw ang lumang Pantabangan mula noong 2020.
Idineklera rin ang "Old Pantabangan Ruins" bilang heritage zone ng lokal na pamahalaan.
"Ang lumang bayan po ng Pantabangan ay idineklara ng aming Sangguniang Bayan na maging isang heritages zone. So kapag heritage zone po kasi dapat natin protektahan ito, para makita pa ng mga susunod na henerasyon," ayon kay Emisonia Gante, tourism officer ng Pantabangan.-- FRJ, GMA Integrated News