Ngayong mainit ang panahon, nagbigay ng ilang tips ang isang house designer and builder at content creator kung papaano mababawasan ang init sa loob ng bahay.
Sa programang "Unang Hirit," sinabi ni Architect Edelito Ramos, na makatutulong ang paglalagay ng insulation foam sa kisame upang maharang nito ang init na tatama sa bubungan.
Mas makapal na insulation foam, mas maganda.
Makatutulong din umano ang paglalagay ng water sprinkler sa bubungan para mabawasan ang init.
Pero kung walang sprinkler, ipinayo ni Ramos na puwedeng maglagay ng tubo o hose na bubutas-butasin nang maliliit at ilalagay sa bubungan.
BASAHIN: Bahay na parang oven ang init sa loob, nilagyan ng water sprinkler sa bubungan
Para mabawasan naman ang init sa loob ng bahay, sinabi ni Ramos na magandang maglagay ng exhaust fan para higupin nito palabas ng bahay ang init, gaya sa kusina.
Pero paalala niya, dapat na may dadaanan ang init na hihigputin ng exhaust fan palabas ng bahay.
Makatutulong din umano ang paglalagay ng mga sunshade curtain kahit sa labas ng bahay, lalo na sa lugar na diretso ang tama ng sikat ng araw sa bahay o bintana.
Para naman lumamig ang buga ng electric fan, puwedeng maglagay ng yelo sa harap o likod ng electric fan.
Pero paalala ni Ramos, dapat tiyakin na hindi mababasa ang wire ng kuryente na manggagaling sa yelo. --FRJ, GMA Integrated News