Inihayag ni Nikko Natividad ang kaniyang saloobin noong mangibang-bansa ang kaniyang mga magulang at lumaki siya sa broken family.

"Lumaki ako sa broken family. 'Yung daddy ko, umalis siya wala pa akong three years old, nag-Japan na siya. Fourteen years siya roon. Then 'yung mommy ko naman, siyempre may iba nang pamilya, nag-London din siya. Lumaki ako sa 'yung typical, sa mga lola, tita, pasa-pasa," kuwento ni Nikko sa nakaraang episode ng "Lutong Bahay."

"Kaya noong nakita ko sila noong umuwi sila, 'yung may ilang," pagbabahagi ng aktor.

Dahil dito, tinano si Nikko kung nagkaroon siya ng tampo sa kaniyang mga magulang.

"Hindi naman ako galit kasi siyempre 'yung mga lola ko, tita ko, pinaintindi naman na, 'o kaya nasa ibang bansa 'yan kasi gusto ng magandang buhay.' Lagi naman sinasabi sa atin, which is totoo naman," patuloy niya.

Mula sa kaniyang karanasan, sinabi ni Nikko na tinitiyak niya ngayon na magiging close siya sa kaniyang anak.

"Ang plan ko kasi, okay 'yung may takot ka sa magulang, pero iba kasi 'yung sinasabing takot na sobrang takot. Gusto ko 'yung anak ko, kayang magsabi sa akin ng nararamdaman, kaya niya akong i-correct," dagdag ng aktor.

Paliwanag ni Nikko, nagkakamali pa rin naman ang tao kahit na magulang na. Kaya tatanggapin niya ang puna kahit pa nanggaling ito mula sa kaniyang anak.

"Kasi dapat pagka may nagawa akong mali sa bahay... Ito ha, kahit magulang na tayo, minsan nagkakamali tayo, dapat matuto tayong magpa-correct din sa anak natin," payo niya.

Mapapanood si Nikko sa season 2 ng Kapuso action series na "Lolong," na pagbibidahan muli ni Ruru Madrid. -- FRJ, GMA Integrated News