Matapos ang ilang taong pagtatago, nasakote ng mga awtoridad sa Pasig ang suspek sa investment scam na aabot umano sa P200 milyon ang natangay mula sa mga biktima. Pero siya nga kaya ang suspek dahil nag-iba raw ang hitsura at pangalan nito?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Police Lieutenant Colonel Ferdinand Casiano, Station 9 commander ng QCPD, na isang Beverly Santos, ang hinahanap nilang suspek sa investment scam.
Hanggang sa makakuha sila ng impormasyon na nasa Pasig City ang suspek na kanilang sinilbihan ng arrest warrant.
Pero ang suspek na iba na raw ang hitsura, iba rin ang ibinigay na pangalan bilang si Alexis Mercado.
Ayon kay Casiano, ilan sa mga nabiktima umano ni Santos ay nagpasok ng puhunan na P50 milyon, may P30 milyon, P20 milyon at P10 milyon.
Kuwento ng isa sa mga biktima umano ni Santos, nagpakikilala sa kaniya ang suspek na nagrarasyon ng office supplies sa gobyerno at nananalo sa mga bidding.
Dahil sa dami umano ng mga proyekto nito, nauubusan daw ang suspek ng pondo kaya naghahanap siya ng mga magpapasok ng puhunan.
Ang pangako umano ng suspek, 10 porsiyentong interes o tubo sa ipapasok na puhunan, at may dagdag pang dalawang porsiyento kapag hindi kaagad naibigay ang kanilang komisyon sa loob ng tatlong linggo.
Pero makaraan ng ilang buwan, hindi na nakapagbibigay ng komisyon ang suspek, at tumatalbog na ang tseke. Hanggang sa kung anu-ano na umano ang idinadahilan ni Santos kaya hindi nakapagbabayad, at tuluyan nang nawala.
Nalaman din umano ng biktima na nalulong sa paglalaro sa casino si Santos.
Ang isa pang biktima na P8 milyon ang naibigay kay Santos, sinabing isang kaibigan niya ang naglapit sa kaniya sa suspek para magpasok ng puhunan.
Pero pagkaraan din ng ilang buwan na maayos na pagbabayad ng komisyon, nagbigay na ng kung ano-anong dahilan umano ang suspek hanggang sa tuluyan na ring nawala.
Ang masaklap pa, sinabi ng biktima na maging ang kaibigan niyang may cancer ay nadamay din sa panloloko umano ni Santos.
Sa patuloy na pag-iimbestiga ng pulis, umamin din ng suspek na siya talaga si Santos, at nagparetoke siya ng ilong noong lang daw nakaraang Disyembre para makapagsimula muli.
Paliwanag niya, lehitimo ang kaniyang negosyo hanggang sa naloko siya ng kaniyag business partner at siya ang naipit sa mga taong nagpasok ng puhunan.
"Hindi ko na maibalik sa tamang channel kasi meron nang umaabang na iba na hindi nakakaintindi ng gusto nang makakolekta. So ang nangyayari parang tapal na ko sa kabila, tapal na ko sa kabila," paliwanag niya.
Napilitan daw siyang magtago dahil nakatatanggap na siya ng banta sa buhay.
Aminado rin ang suspek na naglaro siya sa casino pero hindi raw masasabing winandas niya ang pera ng mga biktima sa pagsusugal.
At nang tanungin kung nasaan na ang P200M na naipasok sa kaniya ng mga biktima, sagot ni Santos, "Puwede ba i-no comment ko na lang muna yon."
Tunghayan sa video ang paghaharap ng suspek at sa isa niyang biktima na direktang nagtanong kay Santos kung papaano niya maibabalik ang kanilang pera. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News