Mapapanood na rin sa main channel ng GMA Network simula sa Abril 6 ang noontime show na “It’s Showtime!”
Inihayag ito sa ginanap na contract signing nitong Miyerkules sa GMA Studios na dinaluhan ng mga executives mula sa Kapuso at Kapamilya networks.
Kabilang dito sina GMA Network Chairman Atty. Felipe L. Gozon, President and CEO Gilberto R. Duavit Jr., Executive Vice President and Chief Financial Officer Felipe S. Yalong, SVP for Programming, Talent Management Worldwide, and Support Group Atty. Annette M. Gozon-Valdes.
Nandoon din sina ABS-CBN President and CEO Carlo L. Katigbak, Chairman Mark L. Lopez, COO Cory Vidanes, at Group Chief Financial Officer Ricardo B. Tan Jr.
Dumalo rin sina "It's Showtime" hosts Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Karylle, Kim Chiu, Amy Perez, Ogie Alcasid, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Ryan Bang, Darren Espanto, Ion Perez, MC, Lassy, Jackie Gonzaga, at Cianne Dominguez.
Mapapanood sa GMA 7 ang “It’s Showtime” simula sa April 6, Sabado. Patuloy pa rin itong mapapanood din sa GMA Pinoy TV, at GTV.
Nagsimulang mapanood ang "It's Showtime" sa GTV channel ng GMA noong nakaraang July.
Nitong Martes, pinag-usapan ng netizen ang post ng "It's Showtime" kaugnay sa isang teaser na may malaking magaganap tungkol sa noontime show. —mula sa ulat ni Carby Basina/FRJ, GMA Integrated News