Kinagiliwan ng netizens ang ginawang pag-“Sharon” o pagbabalot ng pagkain ni Sharon Cuneta na siya mismo ang gumawa sa isang handaan ng kanilang kaanak.
Sa GTV News Balitanghali nitong Martes, mapapanood ang Instagram video ni Ciara Sotto, pinsan ni Sharon, kung saan spotted si Megastar na nagbabalot ng handa sa birthday party.
Tamang lagay lang si Ate Shawie sa container ng Japanese food at chicharong bulaklak, habang kumakanta ng “Bituing Walang Ningning,” na may linya sa awiting "balutin mo ako."
Biro pa ni Sharon, para sa kaniyang asawa, mga anak at babies ang iuuwing pagkain.
Depensa pa ni Sharon, nagpaalam naman siya kaya hindi siya nahihiya.
Trending ang video na may 3.7 milyong views na ngayon.
Sa caption ng post, may nakalagay na: "P.S. Si Sharon, Shuma-Sharon (with laughing emojis)".
Kabilang ang ilang celebrities ang nagkomento at natatawang nag-react sa "Shuma-Sharon."
Naging biruan sa mga Pinoy ang “Sharon,” na nangangahulugang pagbabalot ng mga natirang pagkain sa handaan.
Hango ito sa kanta ni Megastar na “Bituing Walang Ningning” na may lyrics na “Balutin mo ako …” -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News