Sinampahan na ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang vlogger at negosyanteng si Yexel Sebastian. Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), aabot umano sa P50 bilyon ang natangay ni Yexel sa kaniyang mga nabiktima sa tinatawag na Junket Investment Scam.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kabilang sa mga nabiktima umano ni Yexel ay mga overseas Filipino worker, mga empleyado, mga pulitiko, celebrities at mga negosyante.
Nasa 30 biktima ang nagsampa ng mga reklamong syndicated estafa at paglabag sa Securities and Regulation Code laban kay Yexel. Nangyari umano ang panloloko sa mga biktima noong 2023.
Sa dami ng mga nagrereklamo, sinabi ng NBI na hinati sila sa tatlong grupo. May iba pang batch na nagrereklamo laban kay Yexel.
“Ang amount na involved dito from the last time na nagkaroon kami ng computation umaabot na ng P50 billion," ayon kay NBI Fraud and Financial Crimes Division Chief Palmer Mallari.
Ang isa sa mga biktima na itinago sa pangalang Mike, sinabing P700,000 ang ipinasok niyang puhunan kay Yexel matapos siyang pakitaan ng mga pera, mamahaling sasakyan, at pinangakuan ng buwang tubo na 5% kada buwan.
Nang magkaroon na ng problema sa pagbabayad sa kanila, sinubukan daw ni Yexel na papirmahin sila ng bagong kontrata.
“Kikitain doon sa P700,000 is P35,000 monthly for the whole year, tapos after the contract, ibabalik nila yung P700,000. Ano po yung guarantee na masasauli ang pera namin? Which is ang sabi niya sa amin, yung mga ari-arian na pinapakita niya sa amin. Ibebenta yung mga toys, para mabuo ang pera. Pero ang nangyari nagtago po sila,” ayon kay Mike.
Lumitaw na walang secondary permits sa Security and Exchange Commission o SEC si Yexel, at pinapirma rin ang mga investor ng “loan agreements” para palabasin na utang at hindi investment ang nakuha niya sa mga biktima.
Pero ayon sa NBI, hindi iyon magagamit ni Yexel na depensa.
“We are being sustained by the revised securities and regulation code na any evidence of indebtedness is also a form of security. So dito maliwanag na may na-commit na syndicated estafa. Hindi kunwari investment ang tinanggap, kundi gumawa ng pagkakautang ang kumpanya sa mga tao na kanilang nabiktima,” paliwanag ni Mallari.
Pagtiyak pa ng opisyal, "We will be utilizing that process of the law para mahuli sila. We will also be filing a potential case of violation of the anti-money laundering case.”
Pinaniniwalaang nakalabas na ng bansa si Yexel. Pero sa kaniyang mga dating post, iginiit niyang biktima rin siya sa pangyayari at investor din lang siya.-- FRJ, GMA Integrated News