Nagpasa ng resolusyon ang Metro Manila Council (MMC) at tinukoy ang mga national road sa National Capital Region na bawal ang mga "e-vehicle" tulad ng e-trikes at e-bikes.
Inihayag ito ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes matapos ang pulong ng MMC nitong Miyerkules.
“Ngayon pong umagang ito ay nagpasa ang MMC ng resolusyon regarding regulation ng e-trikes at other electric vehicles na pinagbabawal na po natin sa major roads na nasa jurisdiction ng MMDA,” saad niya.
Kabilang sa mga tinukoy na kalsada ang:
- Recto Avenue
- Pres. Quirino Avenue
- Araneta Avenue
- Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA)
- Katipunan Avenue /C.P. Garcia Avenue
- Southeast Metro Manila Expressway
- Roxas Boulevard
- Taft Avenue
- South Luzon Expressway (SLEX)
- Shaw Boulevard
- Ortigas Avenue
- Magsaysay Boulevard/Aurora Boulevard
- Quezon Avenue/Commonwealth Avenue
- A. Bonifacio Avenue
- Rizal Avenue
- Del Pan/Marcos Highway/McArthur Highway
- Elliptical Road
- Mindanao Avenue
Posible pa umanong madagdagan ang listahan batay sa mga isusumite pa ng mga lokal na pamahalaan.
Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P2,500, ayon kay Artes.
Kailangan din umanong may driver's licenses ang gumagamit ng e-vehicles, ayon kay Artes. Kung walang lisensiya ang nagmamaneho, i-i-impound ang sasakyan.
Magkakabisa ang patakaran pagkatapos ng 15 araw makaraan itong malathala at makapagsagawa ng information campaign.
Nauna nang sinabi ni Artes, na kailangan ang regulasyon sa e-vehicles dahil sa may hatid itong peligro sa mga nagmamaneho, pasahero, at maging sa mga pedestrian.
“In coming up with a new set of regulations, we shall address these concerns, particularly safety issues. We will consolidate and harmonize all existing rules and regulations, as well as ongoing programs of the LGUs and even the national government concerning e-vehicles, to make it comprehensive. This will also cover not just Metro Manila but nationwide,” sabi ni Artes.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News