Ikinabulabog ng mga residente ng isang barangay ang misteryosong pagkatok sa kanilang mga pintuan at bintana na dahilan ng kanilang paggising sa kalaliman ng gabi sa Bayambang, Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing ilang gabi nang nabubulabog ang pagtulog ng mga residente ng Barangay Manambong Sur.
Dahil dito, nag-alala na rin sila para sa kanilang kaligtasan.
Ang 49-anyos na si Maria, naging balisa matapos gisingin ng mga malalakas na katok sa kaniyang pinto ng bandang 3 a.m.
Dahil dito, hindi siya makatulog pati na ang kaniyang pamilya.
"Nagtaka ako may kumatok sa pintuan namin, hindi [nga] lang tatlong beses na kumatok, kaya nabigla ako. Ginising ko yung anak ko na grade four para tingnan, pero hindi siya tumayo agad… noong lumabas siya, tiningnan niya walang [namang] tao," sabi ni Maria.
Dahil sa insidente, nagkabit na ng mga karagdagang lock sa kanilang mga pinto ang mga residente ng nasabing barangay.
Ikinatakot din ng 73 anyos na si Rodolfo Mejia Lasquite nang gisingin siya ng maiingay na pagkatok sa kaniyang pinto ng alanganing oras.
Dahil sa pangambang isa itong kriminal, nag-imbestiga si Lasquite, sa takot na rin dulot ng mga napabalitang nakawan sa karatig na barangay.
"Natakot ako, yun nga baka kasi may masamang intensyon, mayroon nang nangyari sa kabilang barangay. Kung ano-ano ang ginagawa nila, may nanakakawan daw kaya ganoon, natatakot kami," ani Lasquite.
Kalaunan, natuklasan ng mga awtoridad na isang residente ng karatig barangay na may kapansanan umano sa pag-iisip ang nasa likod ng mga pagkatok, na humihingi umano ng tulong.
Gayunman, nagdulot ng pangamba sa mga residente ang insidente, dahil na rin sa mga social media post.
"Isa nating kababayan na galing bayan ng Bautista na siya daw yung kumatok sa unang bahay na humihingi ng tulong. Then this person, posted sa kanilang Facebook page or sa kanilang social media platform, then may ibang kabataan na sumakay or nag-ride on sa kwento na yun," sabi ni Bayambang Municipal Information Officer Dr. Rafael Saygo.
Dahil dito, dinagdagan na ng pulisya ang pagpapatrolya sa mga apektadong barangay.
Hinikayat naman ng lokal na pamahalaan ang publiko na tumigil sa pagkalat ng mga maling impormasyon sa social media.
"Nais din namin iparating na sa mga kabataan at sa iba pang tao na ginagawan pong katatawanan at magpapakalat sila ng mga ganito para mag-cause ng alarm or panic sa community. We will ensure that we will implement the law, inaayos na namin yung iba na nagpo-post nagpapakalat ng kung ano-anong photo," sabi ni Saygo. —Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News