Para matiyak na maayos ang mga bag na ukay-ukay na kaniyang ibinebenta online, sinusuri munang mabuti ng online seller na mula sa Zamboanga City ang kaniyang mga produkto. Hanggang sa isang araw, may nakita siya na makinang na singsing na nasa loob ng isang bag. Totoo kaya na mamahalin ito na aabot sa daang libong piso ang presyo?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng online seller ng mga ukay-ukay na bag na si Rio Gabaga, na galing umano sa ibang bansa ang mga bag na ibinabagsak sa kaniya ng kaniyang supplier na mula sa Cagayan de Oro.
May pamilya na si Rio kaya nagsisikap siya sa kaniyang hanapbuhay sa pag-o-online seller para matulungan ang kaniyang mister sa pagtataguyod sa tatlo nilang anak.
Gayunman, aminado si Rio na kinakapos pa rin sila kaya napilitan silang mangutang lalo na't sakitin ang isa niyang anak.
Kaya naman laking tuwa niya nang may makita siyang singsing sa bag na kulay rosegold at napapaligiran ng makikinang na bato dahil magiging malaking tulong sa kanila kung may mataas itong halaga.
Nang tingnan nila sa internet kung may katulad ang nakuha niyang singsing, nagulat sila na may kamukha nga ito na isang branded at luxury ring na naglalaro umano ang presyo sa $2,000 hanggang $3,000 o katumbas ng P180,000.
Ipinasuri na rin daw niya ang singsing sa alahera at sinabihan daw siya na Russian diamond ang mga bato. Gayunman, hindi raw siya sinabihan kung magkano ang halaga ng singsing.
Para malaman kung tunay na diamond ang nasa singsing na nakuha ni Rio at kung magkano ang halaga nito, sinamahan siya ng KMJS team sa isang kilalang jewelry shop sa lungsod.
Subalit lumabas sa pagsusuri na coated lang ng 18k gold at hindi pure na ginto ang singsing. Habang ang mga bato, lumitaw na hindi diamond kung hindi ordinaryo lamang na Russian stone.
Gayunman, mayroon pa rin umanong halaga ang singsing na nakuha ni Rio mula sa itinitinda niyang ukay bag. Pero magkano kaya ito? Panoorin sa video ang buong kuwento.-- FRJ, GMA Integrated News