Bagong taon, bagong pagkakataon din para subukan na makapag-ipon. Paano nga ba ang tamang paraan ng pag-iipon at anu-ano ang mga dapat iwasan upang ma-enjoy ito at hindi maging kalbaryo?
Sa programang “Dapat Alam Mo!,” sinabi ng financial consultant na si Peter Sing na puwedeng magtabi ng pera kahit na maliit na halaga.
Gaya halimbawa ng pagtatabi ng P10 kada araw, na aabot ng P300 sa isang buwan. Sa isang taon, makakaipon ng P3,600 na malaking halaga umano para sa isang ordinaryong wage earner.
“Naniniwala ako na kahit na anong level ng hanapbuhay o kinikita ng isang tao, maaari siyang magsubi o magtabi,” sabi ni Sing.
Inilahad ni Sing ang ilang bagay na puwedeng alisin sa pinagkakagastusan para gawing ipon at ano ang mga pag-uugali na dapat gawin ng isang nag-iipon.
“Sigarilyo, soft drink. Baka puwede hindi kailangan ‘yung mga gastusin na ‘yon,” sabi ni Sing.
“Dapat maging second nature sa atin ‘yung nagtatabi ng pera hangga’t kakayanin natin. Dapat ini-enjoy mo ‘yung pag-iipon,” pagpapatuloy pa niya.
Bukod dito, dapat ding ikonsidera ng isang nag-iipon ang kaniyang suweldo, at magkano ang kaniyang itatabi.
“Ang dapat mo lang tingnan, ‘Ito ang suweldo ko. Ito ang pagbabadgetan ko o gagawan ko ng budget para sa aking pangangailangan kasama ang savings,’” sabi pa ni Sing.
Dapat ding alisin ang pananaw na kulang o maliit lamang ang savings.
Pero kahit nag-iipon, sinabi ni Sing na mahalaga na bayaran ang utang kung mayroon.
“‘Pag ikaw ay may utang, unahin mo ang utang. Magsimula ka sa mga mas madaling mabayaran, maliliit, papunta sa palaki. Ang importante, mag-zero ka,” payo ni Sing.
Ang government employee na si Mark Anthony na mahilig mag-ipon, ipinayo na hindi dapat maging pabigat ang pag-iipon para hindi maging kalbaryo.
"Kung ano lang po yung kaya natin na certain amount doon lang muna tayo magsimula," bilin niya. -- FRJ, GMA Integrated News