Bilang magulang, emosyonal na inihayag ni Carmina Villarroel na "kakampi" sila at hindi "kontrabida" sa buhay ng kambal na anak nila ni Zoren Legaspi na sina Cassy at Mavy.

Inihayag ito ni Carmina sa birthday celebration ng kambal sa programang "Sarap Di Ba?," na host ang mag-iina.

“Ang wish ko lang talaga [is] to have inner peace and inner joy,” panimula ni Carmina na maingat sa kaniyang mensahe sa mga anak dahil baka raw malagyan ng ibang kahulugan.

“Tatay [Zoren] and I are just happy that you’re back,” saad ni Carmina. “You know that I’ve been quiet for the past how many years.”

 Ayon kay Carmina, iniwasan niyang makialam sa ilang pagsubok na pinagdadaanan ng kambal.
“Hindi ko alam bakit sinasabi nilang nakikialam ako, but I don’t care because I am your mother. Kung nakialam ako, hindi mangyayari ‘to. So it only means hindi ako nakialam,” anang Kapuso actress-host.

Pagtiyak ng actress-host, ipagtatanggol niya ang kaniyang mga anak sa abot ng kaniyang makakaya.

“I want you to know, the two of you, that I will do everything and anything para sa inyong dalawa… I will really defend you sa abot ng makakaya ko,” deklara niya.

Sinabi pa ni Carmina na hangad niya ang ikabubuti ng mga anak nila ni Zoren.

“Tatandaan na nandito kami ni tatay para sa inyo. We always want what’s best for you guys. Hindi kami mga kontrabida ng buhay niyo, kakampi niyo kami,” pagtiyak pa ni Carmina kina Cassy at Mavy.

Nagpasalamat din si Carmina sa ilang pagsubok na pinagdaanan ng kanilang pamilya dahil dito sila mas tumibay.

“So ‘yung pinagdaanan natin last year, I’m thankful na pinagdaanan natin ‘yon because nakita ko 'yung strength ng bawat isa. ‘Yung isa, gustong mag give up, [pero] we’re drawing strength from each other,” sabi niya.

Inamin pa niyang nasasaktan siya sa tuwing nakatatanggap ng ilang puna ang kaniyang mga anak, at ganito rin ang kaniyang mga anak sa kaniya.

“Kapag ako ang tinitira, si Maverick ang nasasaktan. Kapag si Mavy or si Cassy ‘yung tinitira kaming dalawa ni Zoren ‘yung nasasaktan, pero tahimik lang po kami kasi hindi naman po kami pala-away. Ayaw namin ‘yun, gusto namin ng peace and love sa lahat,” paliwanag niya.

Ipinagdiwang nina Cassy at Mavy ang kanilang kaarawan noong Enero 6, at binati ng kanilang mga kaibigan sa showbiz industry.

Nauna nang inihayag ni Carmina sa kambal na, "people can destroy your image, damage your personality, create rumors about you but they can never take away your good deeds.” -- FRJ, GMA Integrated News