Tanghali noong Enero 2, 2024 sa isang barangay sa Bayugan, Agusan del Sur, nangilabot ang mga nag-iinuman at napatakbo palayo nang dumating ang isa nilang kainuman na may bitbit na putol na ulo ng isang matandang babae na dati na niyang nakaalitan.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," tinukoy ang biktimang pinugutan na si Rosa Asilo, 65-anyos, habang ang suspek na nadakip matapos gawin ang krimen ay si Mario Fortun.

Napag-alaman na dati nang may hidwaan ang dalawa dahil inirereklamo ni Mario ang halaman ni Rosa na mayroong tinik. Nakadagdag naman sa inis ni Mario ang pagbibintang umano ni Rosa sa kaniya na magnanakaw.

Batay na rin sa kuwento ng kanilang kapitbahay, minsan nang nagkagirian ang dalawa. May bitbit umanong itak si Rosa, habang may hawak naman na kawayan si Mario.

Hanggang sa mangyari na ang pakikipag-inuman ni Mario noong Enero 2. Ayon sa mga kainuman, masama na ang loob ng suspek nang sandaling iyon dahil sa bintang na magnanakaw siya.

Hanggang sa tinanong na ni Mario ang kaniyang mga kainuman kung gusto nila ng "regalo." Nang umalis ang suspek, inakala ng mga kainuman na alak din ang ireregalo sa kanila ni Mario.

Pero nangilabot sila at napatakbo palayo nang makita nila si Mario na bitbit na ang ulo ni Rosa.

Kaagad na nadakip si Mario at kinasuhan ng murder.

Sa presinto, ikinuwento ni Mario na dinamdam niya ang pagtawag sa kaniya na magnanakaw dahil naaapektuhan umano ang kaniyang mga anak.

Kaya sa inuman, nagbago na ang takbo ng isip niya at pinuntahan si Rosa sa tindahan kung saan mag-isa lang ang biktima. Nagkaroon umano sila ng mainit na pagtatalo,  at nang makita niya ang itak sa likod ng pintuhan ng tindahan, doon na niya sinaksak ang biktima at pinugutan.

Pinagsisisihan daw ni Mario ang nagawa niya kay Rosa, at naisip niya rin ngayon ang kaniyang mga anak.

"Nagsisisi po ako dahil sa ginawa ko, pero nangyari na kasi," ayon kay Mario, na nais naman ng mga kaanak ni Rosa na managot sa kaniyang ginawa.--FRJ, GMA Integrated News