Nabigla maging ang doktor sa England nang nakita ang dahilan nang muling sumakit ang loob ng tainga ng kaniyang pasyenteng babae kahit nakuha na mula sa loob nito ang isang gagamba.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ikinuwento ni Lucy Wild, 29-anyos, na nagising siya isang araw na masakit ang loob ng kaniyang tainga.
"We called 111 and put warn olive oil in my ear and drew [the spider] out. It was covered in oil and the size of about my baby fingernail--about 1 cm. But the blood concerned me, so I went to see a doctor," ayon kay Lucy.
Matapos na tingnan ng doktor ang kaniyang tainga, binigyan siya ng antibiotics.
Ang akala ni Lucy, matatapos na ang kaniyang kalbaryo pero muli siyang nakaramdaman ng pananakit sa loob ng tainga pagkaraan ng tatlong linggo.
Gamit ang earbud camera, sinilip ni Lucy ang loob ng kaniyang tainga at nabahala siya sa maliliit na bagay na kaniyang nakita sa loob.
Kaya kaagad siyang bumalik sa doktor, na nagulantang din nang suriin ang loob ng tainga ng kaniyang bumalik na pasyente.
Sabi ng duktor, "I've never seen anything like this," at wala raw magagawa ang ibinigay niyang antibiotics para malunasan ang maiitim na bagay na nakita sa loob ng tainga.
Nag-iwan pala ng pugad sa loob ng tainga ang unang gagamba na naalis. Ang maiitim na bagay sa loob ng tainga ay mga gagamba na napisa na.
Para maalis o matanggap ang pugad, gumamit ng suction ang doktor.
"That was the worst pain I've ever felt. I would rather give birth," sabi ni Lucy.
Bagaman idineklara ng doktor na "cleared" na ang tainga ni Lucy, patuloy na pinapakiramdam niya ang sarili sa takot na baka may naiwan pang gagamba sa loob. -- FRJ, GMA Integrated News