Naburang lahat ng pagdududa ng isang 50-anyos na mananaya sa lotto nang siya ang manalo ng mahigit P107 milyong jackpot prize sa MegaLotto 6/45 draw.

Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa kanilang Facebook page, sinabing nanalo ang lalaki noong Nobyembre 06, 2023, nang mahulaan niya ang lumabas na kombinasyon ng mga numero na 13-31-16-01-25-10.

Ang nasabing mga numero ay kombinasyon umano ng araw ng kapanganakan ng miyembro ng pamilya ng lalaki.

Kinuha naman niya ang kaniyang premyo sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City noong Nov. 10, 2023.

Ayon umano sa lalaki, 28 taon na siyang tumataya sa lotto at hindi niya maiwasan na magduda pagdating sa mga nananalo.

Plano umano ng lalaki na gawing puhunan sa papasuking negosyo ang bahagi ng napanalunan, at ang iba ay pananatiling sa bangko.

Sa draw ng PCSO lotto nitong Linggo, Nov. 26, walang nanalo sa UltraLotto 6/58, na ang lumabas na mga numero ay 39-09-40-01-55-14, at may premyong P162,687,385.00.

Wala ring nanalo sa kasabay nitong SuperLotto 6/49 draw, na ang lumabas naman na mga numero ay 30-35-17-26-06-24, at may premyong P181,257,101.00.--FRJ, GMA Integrated News