Nanumpa bilang bagong kasapi ng partidong Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) ang aktor na si Roi Vinzon, kasama ang ilang lokal na opisyal mula sa iba't ibang lalawigan. Ang Aksyon Demokratiko, may mga bago ring kakampi.
Ginanap sa Romualdez Hall sa Kamara de Representantes nitong Miyerkoles ang panunumpa ng mga bagong kasapi ng Lakas-CMD na pinangasiwaan ni Speaker Martin Romualdez.
“We welcome all of you to Lakas-CMD. We look forward to working with you to achieve our common aspiration of meaningful and inclusive progress for our country in line with the vision of President Ferdinand R. Marcos, Jr. under ‘Bagong Pilipinas’,” ayon kay Romualdez na presidente ng partido.
“Your decision to join our party manifests our shared commitment to serving the Filipino people with integrity, dedication, and unity,” dagdag niya.
Sa inilabas na pahayag ng tanggapan ni Romualdez, sinabing si Roi Vinzon, o Mark Angelo David Vinzon sa tunay na buhay, ang nag-iisang bagong kasapi ng Lakas mula sa 1st District ng Benguet province.
Hindi naman binanggit kung anong posisyon ang posibleng takbuhan ni Roi sa Eleksyon 2025.
Kabilang naman sa mga lokal na opisyal na umanib sa Lakas ang gobernador ng Masbate na si Antonio Kho, kasama ang 19 na alkalde at 12 provincial board members.
Kasama rin sa mga bagong kasapi ng partido si dating Lanao del Norte Rep. Abdullah Dimaporo, na may bitbit na 14 na alkalde ng lalawigan.
May 33 lokal na opisyal at mga aspirante rin na mula sa Laguna ang sumama sa ginanap na mass oath-taking.
Samantala, nanumpa naman bilang bagong miyembro ng Aksyon Demokratiko party ni dating Manila mayor Isko Moreno, ang dating kongresista na si Paolo Javier na tatakbong gobernador ng Antique sa 2025.
Nanumpa rin kay Isko si Barangay Baclaran chairman Jun Zaide na tatakbong alkalde ng Paranaque City.
Ang iba pang bagong miyembro ng partido ay muna sa Malabon City, Pasay City at mga lalawigan ng Isabela, Cagayan, Kalinga, Camariñes Norte, Sorsogon, Romblon, Antique, Maguindanao Sur, Rizal, Misamis Oriental, Zambales, Occidental Mindoro, La Union, Bohol, Tarlac, Laguna, Bulacan, at Basilan.
“Paalala ko lagi sa mga miyembro ng Aksyon: lagi niyong lilingunin ang taumbayan. Ang importante ang ating pinaglilingkuran. We want you to be more loyal to the people more than the party,” sabi ni Isko sa pahayag.
Una rito, inihayag ng Aksyon Demokratiko na nanumpa rin sa partido ang anak ni Isko na si Joaquin Domagoso at singer na si Mocha Uson. —FRJ, GMA Integrated News