Kapag hindi busy sa showbiz, sa kusina ng kanilang bahay abala ang Kapuso actor na si Matt Lozano para tumulong sa online business ng kaniyang pamilya na packed meals na kaya raw kumita ng P80,000 kada buwan.
Sa programang "Pera Paraan," ipinakilala ni "Big Bert" sa "Voltes V: Legacy," na ang kaniyang ama na si Marlon ang nagsisilbing cook sa kanilang negosyong Lozano's Kitchen, at ang kaniyang ina naman na si Elaine ang namamahala.
Ayon kay Matt, hindi dapat na mainit ang pagkain kapag tinakpan ang lalagyan ng pagkain upang hindi madaling mapanis. Kapag naihanda na ang mga pagkain, kaagad na rin itong ihahatid sa kostumer.
Ala-una pa lang ng madaling araw, nagsisimula na ang pagluluto para sa order ng almusal. At pagsapit ng 6 am, sisimulan naman ihanda ang mga order na pananghalian. Ang order na para sa hapunan, dapat matapos ang pagluluto ng 2 pm para maging maayos umano ang sistema.
Ang ama raw ni Matt na si Marlon ang gumagawa ng mga recipe. Ang ibang recipe, galing naman daw sa kaniyang lola.
Bagaman nagluluto rin ang kaniyang mommy, iba pa rin daw ang luto ng kaniyang ama.
Ayon kay Elaine, sadyang mahilig silang magluto kaya may naghikayat sa kanila na magtayo ng restaurant. Pero sa halip na magtayo ng restaurant, pinili nilang home-based na pagluluto muna ang gawing negosyong pagkain.
Gumawa rin sila ng Facebook page at mga social media account na malaking tulong sa marketing ng kanilang negosyo.
Mas malakas din daw ang kanilang negosyo kapag "ber" months. Bukod sa pamilya, mayroon silang walong crew na stay-in na sa kanila na itinuturing na rin nilang miyembro ng pamilya.
"Alam niyo na kung bakit ganito kalaki si Big Bert, masasarap ang pagkain sa Lozano's Kitchen," biro ni Matt.
Tumutulong din si Matt sa pagluluto, at ang kare-kare ang kaniyang paborito.
Sa presyong P590, puwede nang umorder ng kare-kare na pang 3 pax. Ang order na pang 8-12 pax, nagkakahalaga ng P800 to P1,600.
Paano nga ba gawin ang kare-kare recipe ni Matt? At ano ang mga dapat tandaan kapag ginawa ang ganitong uri ng negosyo sa bahay? Panoorin ang video. -- FRJ, GMA Integrated News