Nito lang nakaraang buwan, nakuhanan ng video na nagkakagulo ang mga residente sa isang barangay sa Makilala, North Cotabato, dahil sa isang lalaki na nasa bubungan na pinaniniwalaang sinalinan ng bertud ng nakaengkuwentro umano niyang aswang o wakwak.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita sa aktuwal na video ang nangyaring kaguluhan sa nasabing lugar sa dis-oras ng gabi.

Ang lalaki sa bubungan na nakilalang si Jay Darantinao, nagsisigaw habang nasa bubungan at nanlilisik ang mga mata. Hanggang sa makuha siya ng mga tao at itinali dahil sa pagwawala.

Ayon sa ilang residente, kakaiba umano ang lakas ni Jay, naglalaway ito,  at tila boses wakwak siya.

Ngunit bago mangyari ang lahat, sinabi ni Jay sa "KMJS," na biglang nawalan ng kuryente sa kanilang lugar at may kapitbahay siyang humingi ng tulong.

May sanggol daw sa kanilang kapitbahay na pinupuntirya ng gumagalang wakwak sa kanilang lugar.

Nang pumunta si Jay upang tumulong, doon na raw niya nakaengkuwentro ang isang matandang babae na aswang. Nasakmal umano siya nito at nakalmot hanggang sa bigla na lang naglaho ang matanda.

Ayon kay Jay, papauwi na siya nang makaramdam siya ng kakaiba at doon na nangyari ang kaniyang pagwawala.

Tumawag ng mananambal o albularyo ang mga residente at may ipinahid at ipinainom na langis kay Jay.

Hindi nagtagal, may maitim na likidong lumabas sa bibig ni Jay, at may isinuka rin siya na tila maliit na bato. Kinuha ito ng mga residente at pinasunog ng mananambal.

Ang naturang maliit na bato na nga kaya ang isinalim kay Jay ng sinasabi niyang aswang? At ano naman ang kaya ang paliwanag ng mga awtoridad sa likod nang nangyaring insidente? Alamin ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News