Sa pagpasok ng Ber months, muling nangharana sa “Unang Hirit” ang “The Father of Philippine Christmas Carols” na si Jose Mari Chan. Ang Filipino singer-songwriter, nag-alay din ng kanta para sa yumaong GMA Integrated News pillar na si Mike Enriquez na nagpaiyak sa mga host.

Sa Star Bites report ni Aubrey Carampel sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing talagang una na sa listahan ni JMC ang mangaroling sa Unang Hirit.

Nostalgic ang ilang viewers nang muling awitin ni Jose Mari Chan ang iconic niyang kanta na “Christmas In Our Hearts.”

Sinabi pa ni JMC na basta’t Setyembre 1, sa “Una sa Unang Hirit” siya bumibisita.

Dagdag pa ng singer, nakakatuwa rin ang ilang lumalabas na memes, at kung minsan pa ay “Chanta Claus” ang tawag sa kaniya.

Inialay din ni JMC ng kantang "A Love to Last a Lifetime" para kay Mike, na sinabayan ng pagpalakpak ng mga Kapuso bilang pagpupugay at pagpapasalamat sa ambag ni Mike sa broadcasting industry.

"Let's pray for him," sabi ni JMC sa UH hosts.


-- FRJ, GMA Integrated News