Laking gulat ng mga doktor sa Australia nang makita nila sa utak ng isang pasyente na dumadaing ng memory loss ang isang buhay na bulate na karaniwang nakikita sa sawa. Ang naturang insidente, kauna-unahang naidokumento sa medisina.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing nagpa-check-up ang isang babaeng 64-anyos dahil sa memory loss at depression. Ilang buwan bago nito, tatlong linggo rin daw na nakaranas ng pananakit ng tiyan ang pasyente at nagkaroon din ng ubo at lagnat.
Nang i-scan ang utak ng pasyente, may nakitang abnormality sa kanang bahagi ng kaniyang utak.
Kaya naman nagpasya ang mga doktor na operahan ang pasyente at buksan ang kaniyang ulo para masuri ang kaniyang utak dahil sa hinala na mayroon siyang tumor.
Ayon kay Dr. Hari Priya Bandi, Brain Surgeon, wala silang masyadong makitang hindi normal sa utak ng pasyente hanggang sa mapansin nila na may gumalaw.
"I pulled it out and I thought, 'Gosh, what is that? It's moving. Everyone was shocked," sabi ni Bandi nang makita na nila ang bulate.
Ayon kay Dr. Sanjaya Senanayake, Infectious Diseases Physician, may haba na walong sentimetro ang buhay na bulate na nakuha mula sa utak ng pasyente.
Ang naturang bulate ay Ophidascaris robertsi, na isang uri ng roundworm na kadalasang nakikita sa mga sawa.
Batay sa Journal na inilabas ng mga doktor, nakatira ang pasyente malapit sa lawa na pugad umano ng carpet pythons.
Ang hinala, posibleng nakakain ng itlog ng bulate ang pasyente nang ulamin niya ang mga gulay na pinitas sa paligid ng lawa.
At mula sa kaniyang tiyan, umakyat ang bulate sa iba't ibang organs ng pasyente hanggang sa makarating sa kaniyang utak.
Batay sa pagsusuri, posibleng nakapangitlog na rin ang bulate sa kaniyang baga, atay at iba pang organs.
Maayos naman daw ang lagay ngayon ng pasyente pero patuloy siyang minomonitor at pinag-aaralan ng mga doktor.
Ito umano ang unang pagkakataon na naidokumento ang pagpasok ng ganitong uri ng parasite sa katawan ng tao.
Kabilang din ito sa bagong uri ng infections na nailipat mula sa hayop patungo sa mga tao, at posibleng hindi ito ang maging huling pagkakataon na mangyayari ang ganitong insidente. -- FRJ, GMA Integrated News