Isang 27-anyos na lalaking call center agent ang inaresto matapos siyang mabisto ng kaniyang misis sa loob ng isang motel sa Cebu City na may kasamang 22-anyos na babae. Ang paalam umano ni mister, pupunta sa team building.

Sa ulat ng GMA Regional TV Live nitong Huwebes, sinabing nagpaalam umano noong Martes ang mister sa kaniyang asawa na mayroon siyang pupuntahang team-building sa kanilang kompanya.

Nag-post pa umano ang lalaki sa social media tungkol sa sinasabing team building.

Pero may pagdududa na umano si misis sa ikinikilos ng kaniyang mister kaya nilagyan niya ng GPS o global positioning system ang motorsiklo nito.

Nang mamonitor umano ng misis na nasa isang motel ang motorsiklo ng kaniyang mister, humingi na siya ng tulong sa awtoridad para puntahan ang lalaki.

Sa isang kuwarto ng motel, nakita ang mister na may kasamang babae na kaopisina rin nito at isa ring call center agent.

Nakadetine ang dalawa sa Abellana Police Station at mahaharap sa kaukulang reklamo na isasampa ni misis. --FRJ, GMA Integrated News